Pinapangarap ni Manila Mayor Isko Moreno na muling maihanay ang Maynila sa Tokyo, Bangkok, Taipei, Beijing, New York, at Paris.
(HULI SA DALAWANG BAHAGI)
Pero sino nga ba ang bago at batambatang mayor ng Maynila?
Nag-iisang anak si Mayor Isko nina Joaquin Domagoso, kargador sa Manila North Harbor at Rosario Moreno na tubong Allen, Northern Samar.
Sampung taong gulang siya nang mag-umpisang kumita, tulak ang kariton na bumibili ng mga lumang diyaryo at bote sa mga kabahayan sa Tondo at ibinibenta naman sa junkshop.
Naranasan din niyang magpagpag ng mga tira-tirang pagkain sa trash bins ng mga restaurant na hinuhugasan at iniluluto ng kanyang ina para sa kanilang hapunan. Sa isang lamayan sa Tondo siya namataan at nakilala ng kanyang mentor-discoverer na si Daddie Wowie Roxas. Sa showbiz, sa That's Entertainment ni German "Kuya Germs" Moreno siya unang sumabak hanggang sa maging leading man ng mga pelikula ng Seiko Films.
Pumasok si Isko sa public service noong 1998 at unang naglingkod bilang konsehal ng Tondo -- sa loob ng tatlong termino. Nakadalawang termino naman siya bilang vice mayor simula 2007.
Wika nga, kabisado niya ang likaw ng bituka ng Maynila. At dahil pinalad na nakakasalamuha ang lahat ng uri ng mga Manilenyo, kabisado rin niya ang mga mithiin at pangarap ng kanyang mga nasasakupan.
Bukod sa mabilisang literal na paglilinis, malinaw din ang mga programa ni Isko sa iba't ibang sektor ng Maynila. Nais niyang muling palutangin ang minanang mga kayamanan ng siyudad, lalo na ang magagandang arkitektura, iba't ibang sining at ang kapakanan ng mga alagad ng sining.
Target niyang sa Maynila isagawa ang pinakamalaking Pride Parade ng LGBT community. Dahil aminado si Isko na maraming members ng komunidad ang tumulong sa kanya para makarating sa kinaroroonan niya ngayon.
Gusto niyang pasiglahin ang art community ng Malate. Sa bahaging ito namin napag-usapan ang tunay na kalagayan ng Manila Metropolitan Theater (MET).
"Ang MET is under GSIS (Government Service Insurance System), don't get me wrong," paliwanag ni Isko. "I don't want to blame anybody o ang mga dating mayor for that matter whoever they are, kalaban o hindi. To put a dot on it, it is now the duty and responsibility of GSIS. That's why I want to put a dot on... maaaring misconception na mayor ng Maynila ang masusunod. Ang may-ari nu'n GSIS. We used to own that, but along the way throught the years, it was sold or leased to GSIS. Under GSIS, I think it's now under NCCA (National Commission for Culture and the Arts), if I'm not mistaken. So 'pag pinag-uusapan ang Metropolitan Theater nowadays, I would suggest you talk to NCCA or GSIS."
Samantala, passionate din siya sa edukasyon ng mga kabataang Manilenyo. Nais niyang maipaunawa sa kanila ang makukulay na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas na sa Maynila naganap.
Higit sa lahat, batid niyang napag-iwanan na ang Escolta, dating sentro ng kalakalan, ng mga makabagong commercial centers tulad ng Ayala at Bonifacio Global City. Pero hindi lamang ang mga ito ang gusto niyang habulin. Pinapangarap niyang muling maihanay ang Manila sa Tokyo, Bangkok, Taipei, Beijing, New York, Paris at iba't iba pang capital city ng mauunlad na bansa.
Maraming taon nang itinuturing na tila bahagi na lamang ng nakaraan ng Maynila. Sa loob lamang ng 12 buwan, nais ipakita ni Isko ang malaking pagbabago na nais niyang gawin sa kanyang pinakamamahal na siyudad.
Sa matatayog na pangarap para sa Maynila, hindi siya nag-iisa.
-DINDO M. BALARES