NAGKAWING-kawing na ang problema sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA). Noong una, tinutukan lang ang nakapanlulumong trapiko sa pinakaabalang kalsada sa Metro Manila. Inaabot ng dalawa hanggang tatlong oras ang biyahe sa buong kahabaan ng EDSA, mula sa Quezon City hanggang Makati, kaya naman naging simbolo na ito ng problema sa trapiko sa kalunsuran.
Sa pagsisimula ng administrasyong Duterte, sinimulan ng Department of Transportation ang pagresolba sa problema sa EDSA at humiling sa Kongreso ng emergency powers na, ayon sa gobyerno, ay kinakailangan nito upang masolusyunan ang suliranin. Walang nangyari sa panukalang ito, at pinagtuunan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang iba pang panukalang solusyon, kabilang ang pagpapasara sa lahat ng terminal ng mga bus na biyaheng probinsiya na nasa EDSA, na kinuwestiyon naman sa korte.
Noong nakaraang linggo, napaulat na hindi lang sa larangan ng transportasyon ang problema sa trapiko sa EDSA—kundi maging sa kalusugan. Sa rami ng mga bus, kotse, at pampublikong sasakyan na dumadaan sa pangunahing highway sa loob ng 24 oras ng maghapon, naging polluted na ang buong EDSA, dahil na rin sa walang patid na pagbubuga ng carbon dioxide, sulphur oxides, nitrogen oxides, at iba pang particles at gasses ng libu-libong sasakyan.
Umiiral ang Clean Air Act, ang Republic 8749, na sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources ay nagmo-monitor sa kalidad ng hangin sa buong bansa sa pamamagitan ng Air Quality Management Section (AQMS) ng Environmental Management Bureau nito. Subalit napaulat na karamihan sa mga istasyon na nagmo-monitor ng emissions mula sa mga pabrika ay hindi gumagana. Sa mga sasakyan naman, natukoy sa datos ng AQMS na 67 porsiyento ng 35,849 sasakyang sinuri noong 2018 ang bumagsak sa emission tests.
Ang polusyon sa hangin sa EDSA ay isang malaking problema para sa mga regular na lantad sa lugar sa maghapon, partikular na ang mga nagmamando ng trapiko roon. Nagdudulot ng masamang epekto ang polusyon sa hangin sa kalusugan ng mga trabahador na ito ng gobyerno, gayundin sa ibang mga tao na nagtatrabaho at nakatira sa mga lugar na apektado ng matinding polusyon. Kailangan na marahil na umaksiyon ang Department of Health sa usaping ito.
Subalit nananatiling ang trapiko ang pangunahing problema sa EDSA. Nitong Lunes, sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar sa kanyang pagsasalita sa una sa serye ng mga pre-SONA forums bago ang State of the Nation Address (SONA) ng Presidente sa Hulyo 22, na ang trapiko sa EDSA ay magbabalik sa antas na “acceptable” sa pagtatapos ng termino ng Pangulo sa 2022. Iyon ay tatlong taon mula ngayon.
Mistulang hindi naman ito tugma sa sariling positibong taya ng Presidente na pagsapit ng Disyembre ngayong taon, ang biyahe sa EDSA mula sa Cubao hanggang Makati ay gugugol na lang ng limang minuto. Malaki ang posibilidad na ang pag-asam na ito ng Presidente ay bahagi lang ng kanyang karaniwan nang pagbibiro at exaggeration, bagamat sinabi ng kanyang tagapagsalita, si Atty. Salvador Panelo, na posibleng may nilulutong sorpresa ang Pangulo sa sinabi nito.
Mas makatotohanan ang taya ni Secretary Villar pagkalipas ng tatlong taon. Kailangan na lang marahil natin tugunan ang katotohanang lumobo na ang bilang ng mga sasakyan sa kalsada, gayung hindi naman nadadagdagan ang daanan ng mga ito. Tuluy-tuloy ang mga proyekto ng DPWH upang maibsan ang trapiko sa EDSA. Umaasa tayong ang iba pang mga kagawaran ng gobyerno ay magkakasa rin ng kani-kaniyang hakbangin upang matugunan naman ang iba pang mga problemang may kaugnayan naman sa polusyon sa hangin at epekto nito sa kalusugan.