MAAARI na ngayong magbiyahe ang mga may hawak na pasaporte ng Pilipinas sa 64 na lugar sa mundo na may visa-free access—kaya naman pumuwesto ang bansa sa ika-80 sa pandaigdigang ranking ng mga pasaporte.

Sa nasabing bilang, 34 na bansa ang tatanggap sa mga Pilipino kahit na walang visa, habang 30 iba pa ang kinakailangang may visa-on-arrival (Sri Lanka sa electronic Travel Authorization).

Batay sa eksklusibong datos mula sa International Air Transport Association (IATA), tinukoy nito ang 2019 Henley Passport Index na nagpuwesto sa bansa sa ika-75 noong 2018.

Bagamat bumaba sa ranking, partikular na tinukoy naman sa datos ang kaunlarang pang-ekonomiya ng mga bansa sa Asia Pacific.

Kamakailan lang, pinalawig pa ng Taiwan ang visa-free privilege nito para sa mga Pilipino sa panibagong isang taon, batay sa pahayag nitong Martes ng Taipei Economic and Cultural Office.

Unang ipinatupad noong 2017, binanggit na dumami ang mga Pilipinong bumibisita sa Taiwan sa nakalipas na mga taon. Noong 2018, nasa 419,000 Pilipino ang nagtungo sa Taiwan—tumaas nang 44% sa datos noong 2017.

“In Asia Pacific, international migration and mobility have become increasingly more complex, dynamic, and diverse, shaping the overall social, economic, and demographic conditions in the region,” anang report.

Iniulat sa Henley Passport Index sa ikatlong quarter ng 2019, na batay sa taya ng United Nations noong 2017, mayroong 80 milyong international migrants sa mga bansa at lugar na nasasaklawan ng Asia Pacific.

Hindi lamang nakakatulong ang international migration sa pagpapatatag sa umaalagwang mga ekonomiya sa Asia Pacific, kundi natutulungan din ang mga bansang nagpapadala ng mga manggagawa na maipagpatuloy ang katatagan ng kani-kanilang ekonomiya, kahit pa sa panahon ng krisis.

Pinalakas ng international migration ang labor market mobility, remittances, at kalakalan sa Asia Pacific.

“For example, the Philippines has obtained US$33 billion in remittances from migrants, while other countries in the region— including China (US$64 billion), Pakistan (US$20 billion), and India (US$69 billion)— have likewise received remittances that have been vital to their economies,” saad pa sa pag-aaral.

Ang nasabing ranking ay batay sa eksklusibong datos mula sa IATA, na nangangasiwa sa pinakamalaki at pinakakumprehensibong database ng mga impormasyon ng paglalakbay sa mundo.

PNA