ANG prinsipyo ng paghihiwalay ng kapangyarihan ang namamahala sa sistema ng pamahalaan ng Pilipinas, kung saan tagapagpatibay ng batas ang Lehislatura, tagapagpatupad ang Ehekutibo, at Hudikatura naman ang umaayos sa mga legal na kontrobersiya na maaaring lumitaw. Bawat isa sa tatlong sangay na ito ng pamahalaan ay malaya sa organisasyon nito at operasyon.
Muli sa ating pinaalala ang kalayaan na ito, sa gitna ng nangyayaring talakayan sa isyu ng pagpili sa speaker ng Kamara de Representantes. Ang Kamara at Senado ang bumubuo sa Kongreso ng Pilipinas at ang dalawang kapulungan na ito ay gumagawa ng sariling desisyon. Sa pagkakataong inaprubahan ng Kamara at Senado ang isang nagkakatalong probisyon ng isang panukalang-batas, nagpupulong ito sa isang bicameral committee upang maresolba ang mga pagkakaiba.
May tiyak na limitasyon ang kanilang kalayaan. Maaaring i-veto ng Pangulo ang mga batas na ipinasa ng Kongreso. Kinukumpirma ng Kongreso ang itinatalaga ng Pangulo at maaari nilang patalsikin ito. Maaari namang baliktarin ng Korte Suprema ang isang batas na labag sa konstitusyon. Ang mga miyembro nito ay itinatalaga ng Pangulo at kinukumpirma ng Senado.
Kamakailan, lumabas ang mga ulat sa posibilidad ng pagpapalit sa liderato sa Senado ngunit sa interes ng pagpapanatili ng malayang Senado, napagkasunduan na mananatiling Pangulo ng Senado si Senador Vicente Sotto III bagamat hindi siya bahagi ng partido ng administrayon, ang PDP-Laban.
Maingay ang diskusyon sa Kamara na kailangan pumili ng ihahalal na speaker. Sa kasalukuyan, ang Kamara ay may super-majority ng maka-administrasyong mga miyembro, ngunit hindi maaaring maghalal ang PBP-Laban ng speaker. Kailangan nito ang suporta ng ibang partido sa koalisyon.
Natanong na si Pangulong Duterte kung sino ang napipisil niyang maging speaker, ngunit tumanggi itong magbigay ng pangalan, na sinabing lahat ng mga nangungunang kandidato ay ayos sa kanya. Mas gusto, aniyang, ang Kamara ang pumili; na magtitiyak sa kalayaan ng Kapulungan.
Tunay naman at hindi maipagkakaila na may malaking suporta ang administrayong Duterte sa Kongreso, lalo na sa Kamara. Ngunit para mapanatili ang ideyal na kalayaan ng Kongreso bilang isa sa tatlong magkakahiwalay na katawan ng gobyerno ng Pilipinas, pinakamainam pa rin para sa ating mga kongresista na umiwas sa pagtatanong sa Pangulo ng pangalan ng napili nito at sa halip ay maghalal ng speaker sa pamamagitan ng kanilang mga sarili.