NAKAUPO na sa puwesto ang mga bagong halal nating opisyal, maliban sa ilan. Inaasahang tutuparin nila ang kanilang mga pangako at patutunayan na karapat-dapat nga sila.

Dahil dito, maraming opisyal, gaya nina Manila Mayor Isko Moreno at Pasig City Mayor Vico Sotto ang agarang kumilos sa unang araw nila para tugunan ang mga suliraning kanilang hinaharap.

Kasama sa kanilang mga problema ang mabisang pangangasiwa sa basura, magulong trapiko, baradong mga kanal, pagbaha, pagsira sa kapaligiran, at kurapsiyon. Bantayan natin sila.

oOo

Malawakang reporma. Pumuwesto na rin ang mga mambabatas natin. Super-majority sa Kamara at Senado ang ibinigay ng nakaraang halalan sa administrasyong Duterte. Kaugnay nito, nakikita ni Albay Rep. Joey Salceda ang “malawakang ikalawang daluyong ng mga reporma sa tatlong taong susunod, suportado ng mga batas.”

Tutuon ang mga reporma sa tatlong linya—economic, social, political—na maglalayong umakit ng mga pamumuhunan, na magsisilbing ikatlong haligi ng “Dutertenomics”, isang pang-ekonomiyang estratehiya na magpapalobo sa ‘middle class at mag-aangat sa pagdarahop sa limang milyong pamilya, higit na magpapatibay sa tiwala ng mga Pinoy sa kanilang pamahalaan, tutulong para makaagapay ang Pilipinas sa mga progresibong kasamahang bansa sa ASEAN, at “lalong magpapalakas sa kakayahan sa larangang pulitikal at pananalapi para ilunsad and bansa sa higit na pataas na antas ng pagsulong.”

Kasama sa ikalawang daluyong ng mga reporma, dagdag ni Salceda, ang mga amyenda sa Public Service Act, Trabaho, Retail Trade Liberalization, Foreign Investments Act, Mining Industry Fiscal Regime, Real Property Valuation/Assessment, National Transportation Act, Capital Income/ Financial Tax Reforms, National Competition Policy, Productivity Incentives, National Innovation Policy, Collective Investment Scheme, Department of Disaster Resilience, 35-hour Workweek, Public Schools of the future, Housewife Compensation, Last Mile Schools (8000), Mandatory Overpass Near Schools and Scam Finder Act. Akda niya ito lahat sa ika-17 Kongreso, bukod sa marami pang iba.

Kasama sa unang mga reporma ng administrasyon ang Build Build Build, libreng matrikula, mga reporma sa buwis, rice tariffication, ease of doing business at universal health care.

oOo

Isinagawa kamakailan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Taytay chapter ang “Bags of Hope Project 2019” nito para sa mga mag-aaral ng Subay Elementary School, Talim Island sa Cardona, Rizal. Ika-11 taon na ng proyekto na suportado ng Winjen Printing, Red Cross, Bang Café, Irealtors Inc. at Sarap Inc.

Sa pamumuno ni Gladdie dela Paz-Mallari, nagsasagawa ang PCCI-Taytay ng makabuluhang mga civic outreach programs, gaya ng feeding at medical missions sa mahihirap na pamayanan.

-Johnny Dayang