“SA palagay ko ay hindi nagkapirmahan. Nag-usap lang sila. Alam naman ninyo, ang mga pinuno ng mga bansa ay may word of honor. Hindi na kailangan iyan,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Ang tinutukoy ni Panelo ay iyong kasunduan ni Pangulong Duterte sa China na inihayag nito dahil nakakapangisda ang mga Chinese sa karagatan ng bansa na sakop ng ating exclusive economic zone.
Ayon kasi sa mga kritiko ng Pangulo, labag ito sa Saligang Batas na nagsasaad na ang yaman ng dagat sa lugar na ito ay para lang sa mga Pilipino.
“Kung inyong natatandaan hindi tayo pinayagan sa Scarborough (Shoal) noon. Pinalalayas sila. Pagkatapos ng kasunduan, naayos na ang lahat ng bagay. Legal at mabisa ito. Kahit sa batas, kahit ito ay verbal, basta nagkakasundo ang magkabilang panig. Ito ay kasunduan,” dagdag pa ni Panelo nang tanungin ng mga mamamahayag kung balido ang nasabing kasunduan.
Sa nangyayari ngayon, laway lang ang ginamit ng Pangulo sa pagpapahintulot niya at sa China na mangisda sa karagatan ng bansa. Ikinokompromiso niya ang kayamanan ng bansa na inireserba ng sambayanang Pilipino para sa kanila at sa kanilang salinlahi. Kaya nga, ginawa nilang obligasyon ng estado na pangalagaan ang kayamanang ito para sila lang ang makinabang.
Laway din ang sinasabi niyang ginamit ni China Premier Xi Jinping na pantakot sa mamamayang Pilipino kung pagbabawalan nila ang mga Chinese na mangisda sa loob ng exclusive economic zone ng bansa, at ipairal ang napanalunan nitong desisyon sa Hague Arbitral Tribunal.
Pero hinggil sa bilyun-bilyong dolyar na inutang ni Pangulong Digong sa China, itinali siya nito sa mga kasunduang nakasulat sa papel. Hindi umasa at naniwala si Xi Jinping sa word of honor ng mga pinuno ng mga bansa, gaya ni Pangulong Digong.
Ang malaking problema ng bansa ay sa pamamagitan ng kasunduang sekretong pinasok ng Pangulo, at wala man lang siyang mapapanghawakan maliban sa kanyang sinasabi. Ang pinakamataas na batas, ang Saligang Batas na ginawa ng sambayanan, ay niyuyurakan. Ang taumbayan mismo ang nagsabi sa Saligang Batas na ito na kanilang nilikha, na ang paglabag sa anumang probisyon nito ay mananagot.
Sa matataas na opisyal ng gobyerno, kabilang na rito ang Pangulo, ang paglabag nila ay impeachable offense. Kaya ang ginawa ni Pangulong Duterte na pagpapahintulot sa China na mangisda sa exclusive economic zone ng bansa ay paglabag sa Saligang Batas, kaya puwede siyang patalsikin sa puwesto.
Napakahirap lang itong gawin, ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.
“Sa kasong impeachment, ang patakaran hinggil sa ebidensiya ay ang sinusunod dito. Kailangan ay nakasulat na ebidensiya, o may testigong pinatutunayan ito,” wika ng senador.
Kaya pala matapang manakot ang Pangulo na ipakukulong niya ang magsasampa ng impeachment laban sa kanya. Wala nang ebidensiya, nakararami pa ang kanyang mga kaalyado sa Kamara, kung saan magsisimula ang impeachment.
Talagang walang matinong maghahain ng impeachment laban sa kanya
-Ric Valmonte