MISMONG si Barangay Ginebra legend Robert Jaworski, Sr. ang magbibigay ng parangal sa tatanghaling kampeon ng Ginebra 3x3 Tapang ng Tatluhan basketball tournament sa Hulyo 7 sa Araneta Coliseum.
Ang magwawagi sa naturang torneo ay magkakamit ng cash prize na P250,000 at tropeo. Ang Ginebra 3x3 Tapang ng Tatluhan ang unang nationwide grassroots basketball program ng Ginebra San Miguel at ng Philippine Basketball Association (PBA) para humanap ng basketball talents sa buong bansa.
Itinuturing na importante ang torneo dahil ang 3x3 event ay kasama na sa mga regular events ng darating na 2020 Olympics.
Kabuuang 16 na koponan mula sa Manila, Cebu, Davao, Caloocan, Quezon, Iloilo, Bulacan, Cagayan de Oro, Tarlac, Cavite, Samar, Rizal, Pangasinan, Batangas, Bataan at Pampanga ang maghaharap sa national finals sa Hulyo 5 sa Robinsons Place Manila kung saan ang top two teams ay uusad sa championship round.
Maliban sa 3x3 tournament, magsasagawa rin ng slam dunk competition at 3-point shoot-out sa National Finals na may nakalaang P10,000 cash prize at tropeo sa mga mananalo.
May magaganap ding meet and greet sa exhibit area kung saan makakasalamuha ng mga fans sina Barangay Ginebra Kings stars Stanley Pringle, LA Tenorio at Mark Caguioa at ipapakita rin ang iba’t ibang jersey ng team.
Para sa iba pang impormasyon, pumunta lamang sa Ginebra San Miguel official Facebook page www.facebook.com/barangayginebra o website www.ginebra.com.ph.
-Marivic Awitan