ISANG memorandum of agreement (MOA) ang nilagdaan kamakailan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), katuwang ang Consortium of Bangsamoro Civil Society, para Save the Children Philippines (SCP) para sa pagsisikap na maisulong ang karapatan ng mga bata sa rehiyon.

Ang BARMM Ministry of Social Services, Ministry of Health, Ministry of the Interior and Local Government, at ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education ay kabilang sa mga regional partners ng SCP na sumusuporta at nagsusulong sa karapatan ng mga bata, partikular sa Mindanao.

Ayon kay Fanny Divino, SCP senior program manager para sa Mindanao, ang MOA ay para sa pagsasagawa ng contextualized Child Rights Situational Analysis (CRSA) sa ilang piling bahagi ng BARMM.

“This is to ensure that the needs of every child in the region are effectively and meaningfully provided by the duty-bearers, through an evidence-based and participatory approach,” dagdag pa niya.

Ang resulta, aniya, ng CRSA ay gagamitin sa pagbuo ng mga programa at polisiya para sa mga bata sa lahat ng sangkot na institusyon. Magtatalaga rin ng mga indibiduwal at grupo na lalahok para sa actual research conduct for collaboration and assessment.

Ang SCP ay isang independent organization na layong lumikha ng mas magandang buhay para sa mga bata sa Pilipinas at sa buong mundo. Tatlong dekada na itong tumatakbo sa Pilipinas.

Nagkakaloob ang SCP ng emergency at pangmatagalang suporta sa mga Pilipinong bata para sa pag-aaral, sa serbisyong kalusugan, proteksiyon sa mga bata, child rights governance, disaster risk reduction o climate change adaptation, sapat na pagkain, kabuhayan, at iba pang humanitarian response interventions.

Ipatutupad ang SCP agreement sa BARMM hanggang Disyembre 31, 2019 at maaaring magpatuloy depende sa dalawang panig.

PNA