Pinag-iingat ng Department of Health ang publiko laban sa pagbili at pagkain ng mga itlog na basag na ang shell, dahil sa posibilidad na kontaminado ang mga ito ng bakterya, na makakasama sa kalusugan.
Ayon kay Health Spokesperson Eric Domingo, sa sandaling mabasag o magkaroon ng crack ang itlog ay maaari na itong pasukin ng bakterya, gaya ng Salmonella at Staphylococcus, na isa sa mga pangunahing nagiging sanhi ng food poisoning.
“Once ito ay mabiyak, may posibilidad na pumasok 'yung mikrobyo, katulad ng Salmonella at Staphylococcus. Ito ay most common cause ng food poisoning,” sinabi ni Domingo, sa isang panayam sa telebisyon.
Sinabi ni Domingo na bagamat maaari namang mamatay ang mikrobyo sa pamamagitan ng pagluluto sa itlog, posiblr ring manatili ang toxin nito, lalo na kung malasado ang pagkakaluto.
Paliwanag ni Domingo, kapag nakain ang mga naturang toxins na napo-produce sa itlog, ‘tila lason ito na nakakairita sa intestinal system ng tao, na nagreresulta sa pagsusuka at diarrhea.
Gayunman, aminado ang DoH na mas marami pa ring tao ang mas pinipiling bumili ng basag na itlog dahil mas mura ito ng hanggang P3, kumpara sa mga buong itlog.
Ito ang naging paalala ng DoH, kasunod ng pagkakalason ng 261 loyalista ng pamilya Marcos sa pagdalo sa selebrasyon ng ika-90 kaarawan ni dating First Lady Imelda Marcos nitong Miyerkules, sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Adobong manok na may malasadong itlog ang sinasabing kinain ng mga biktima bago nakaramdam ng pagkahilo, pagsusuka, pananakit ng tiyan, at pagtatae.
-Mary Ann Santiago