Nagdeklara ng dengue outbreak sa Iloilo dahil sa patuloy na pagdami ng dinadapuan ng nasabing sakit sa lalawigan.
Ito ang idineklara ni Iloilo Governor Arthur Defensor, Jr. kasunod na rin ng pagpapalabas niya ng Executive Order No. 2019-016 ngayong Biyernes na layuning makontrol ang nasabing nakamamatay na sakit na dulot ng kagat ng lamok.
Sinabi ng gobernador na aabot sa 42 bayan at isang lungsod sa Iloilo ang apektado ng naturang sakit.
“We declared an outbreak because we want to recognize that there is a problem. Based on historical data, the cases are high,” anang gobernador.
Kinumpirma naman ni Iloilo Provincial Health Office assistant chief, Dr. Maria Socorro Colmenares-Quiñon na tumaas ng 777 porsiyento ang naitalang nagka-dengue sa unang anim na buwan ng taon.
Sa record ng IPHO, aabot na sa 4,306 ang na-dengue, kabilang na ang 20 nasawi mula Enero 1 hanggang nitong Hunyo 29, na mas mababa kumpara sa 491 naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
-Tara Yap