ANG sumusunod ay bahagi ng talumpati ni Pangulong Duterte sa oath-taking ceremony ng mga bagong talagang opisyal sa Malacanang nitong Martes:
“Yang mga drugs akala mo spectacular raids ‘yan. Mag-abot ng isang barrel o one ton, huwag kayong maniwala na lahat ‘yan will be accounted for before the proper authorities. May mga man (clever) talaga dyan – ‘yan kukunan. Alam ni Secretary Ano ‘yan. Minsan i-report lang ‘yung – a fourth of what they get and recycle ‘yung ano. . . And
corruption is true especially sa mga generals. We do not have the resources. And even if we double, even if you address one-fourth of the GDP, we cannot guard the long coastline of 7,000 islands that we have to watch and guard. It remains to be a problem. It would need a lot of resources to combat it. It might appear just to be an ordinary law and order problem. But it will bound the Philippines until kingdom come because it is worldwide.”
Nagpapauna na si Pangulong Digong na hindi niya matutupad ang kanyang pangakong mawawakasan niya ang problema ng droga sa pagtatapos ng kanyang termino. “Until the kingdom come,”aniya, kasi mananatiling problema ito ng bansa. Alam naman niya ito noon pa mang ipangako niya na wawakasan niya ang problemang ito sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan pagkaupo niya. Higit na nabatid niya ito nang hindi na niya matupad ang pangakong ito, kaya hindi na sana siya nangakong muli na mawawakasan ang problema bago matapos ang kanyang termino. Alam naman niya kasi kung sino ang nasasala ng kanyang inilunsad na war on drugs. Ang mga napatay at napapatay, nadakip at nadadakip, hanggang ngayon ay ang mga yagit at pipitsuging mga gumagamit at nagbebenta ng droga. Sa kabila nito, lalong kumalat ang droga sa bansa lalo na nung maghahalala na. Kasi naman, may malaking butas ang lambat ni Pangulong Digong para sa mga malalaki at makapangyarihang nagnenegosyo nito.
Ayon sa Pangulo, hindi lahat ng mga drogang nasasamsam ng awtoridad ay kanilang isinusuko. Ang malaking bahagi nito ay ibenebenta rin nila. Alam niya na ang mga heneral ay corrupt din. Pero, ano lang ba itong pinakikinabangan nila sa katiwalian? Mumo lang ito kung ihahambing sa kinikita ng mga nagpapasok ng droga sa ating bansa. Bulto-bulto, tone-tonelada na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso. Maaaring maniwala ako sa Pangulo na may kahirapang bantayan at harangin ang drogang ipinapasok sa bansa sa kanyang mga coastline. Pero hindi ako naniniwala na kapabayaan o kawalan ng kakayahan ng mga nasa Bureau of Customs ang dahilan kung bakit nakalusot dito ang bilyun-bilyong pisong halaga ng shabu. Kung mahina, walang nalalaman o inkompetente ang mga opisyal ng BoC, bakit mo ililipat sila sa mas mataas na posisyon? Sa simula pa lang, nakatakda nang mabigo ang war on drugs ng administrasyon dahil sa kawalan ng kredibilidad at labag sa Rule of Law.
-Ric Valmonte