NAGBUBUNYI ang supporters ni Arjo Atayde at kaliwa’t kanan ang post nila sa kani-kanilang social media account dahil sa pagkakasama ng aktor sa pelikula nina Aga Muhlach at Nadine Lustre na remake ng Korean drama-comedy movie na Miracle in Cell No. 7 na ipinalabas noong 2013 at certified box office ito dahil kumita ito ng $80.3million.
Napanood namin ang pelikula tungkol sa tatay na may diperensiya sa utak na napagbintangang minolestiya ang isang batang babaeng nadulas sanhi ng pagkamatay nito.
Ang tatay ay nahuli at ikinulong sa kabila ng pagkakaroon nito ng problema sa pag-iisip. Ilang araw na hindi umuwi sa kanila ang tatay kaya hinanap siya ng anak niyang batang babae hanggang sa nalaman nitong nakakulong ang ama.
Nagawang maipasok ng kapwa inmates sa kulungan ang batang babae para makapiling nito ang tatay niya.
Base sa nabasa naming komento ng supporters ni Arjo ay nagtatanong sila kung ano ang magiging karakter ng aktor. Oo nga, ano nga kaya ang magiging karakter niya?
Imposibleng siya ‘yung maging tatay dahil si Aga na ‘yun at malamang isa siya sa inmates na may mahalagang papel sa pelikula.
Iisa ang tanong ng lahat, sino ang gaganap sa batang bida na paglaki ay abogada na? Siya ang maglilinis ng pangalan ng ama na hindi dapat ikinulong dahil nga may diperensiya sa pag-iisip.
Ang pelikula ay ididirek ni Nuel Naval mula sa Viva Films.
Ikalawang project na ito nina Nadine at Direk Nuel, ang una nilang pinagsamahan ay ang This Time (2016) kasama si James Reid na ang entire location ay sa Japan.
Going back to Arjo, sigurado kaming excited siyang gawin ang pelikula lalo’t pang Metro Manila Film Festival na naman ito bukod pa sa makaka-trabaho niya sina Aga at Nadine.
Tine-text namin ang aktor kung ano ang papel niya sa pelikula pero hindi kami binalikan pa.
-Reggee Bonoan