MALAKING bahagi sa buhay ng maraming Pinoy ang Simbahan ng Quiapo.
Dito sa makasaysayang lugar na ito, maraming nananampalataya ang dumaragsa para sa iba’t ibang rason – upang magpasalamat o kaya’y humiling ng pabor sa Panginoon.
Walang pinipiling taon ang dumaragsa sa Quiapo Church, na kilala rin bilang Minor Basilica of the Black Nazarene.
Kung tatanungin ninyo ang mga taong nagtutungo sa Simbahan ng Quiapo, siguradong sasabihin nila na milagroso ang Itim na Nazareno sa kanilang mga ipinagdarasal.
Nakalulungkot lang at pinaligiran ito ng mga tindero’t tindera na halos kamkamin na ang buong lugar para sa kanilang kalakal.
Kamakailan, laking gulat ni Boy Commute na makitang naitaboy ang mga ambulant vendor sa paligid ng Quiapo Church.
Maging ang mga manghuhula, kasama ang kani-kanilang mesa, ay nailayo na nang ilang metro mula sa simbahan kaya naging malinis tingnan ang pasilyo sa harapan ng simbahan.
Maging ang mga kalsada sa paligid, partikular sa Evangelista Street ay nalinis na rin ng vendor.
Ilang taon ding nagdusa ang mga deboto ng Mahal na Itim na Nazareno sa pagsisikip sa lugar, na dinulot ng mga pasaway na vendor.
Tanging si Mayor Isko Moreno lang ang nakapagpatupad nito matapos ang ilang araw na siya’y manumpa sa tungkulin bilang bagong alkalde ng Maynila.
Hindi na katakataka ang ibinulgar ni Mayor Isko na inalok siya ng P5 milyon kada araw upang panatilihin ang libu-libong vendor sa kanilang ilegal na kinatatayuan.
Hindi umubra kay Mayor Isko ang panunuhol ng mga umano’y striker ng mga illegal vendor.
Sa ginawang pagbisita ni Boy Commute sa lugar, maginhawa nang nakabibiyahe ang mga electric tricycles at jeepney sa paligid ng Quiapo Church, dahil halos wala na ang mga nakahambalang na tindero at tindera.
Subalit sa ating pagkakaalam, hindi naman tuluyang pinaalis ang mga vendor sa paligid ng Quiapo Church, ngunit pinayagan pa rin silang magtinda pero hindi dapat lalagpas ang kanilang mga kalakal sa dilaw na linya sa tabi ng bangketa.
Dahil sa tapang at determinasyon na ipinamalas ni Mayor Isko sa pagsasaayos sa kapaligiran ng Quiapo Church, malaki ang posibilidad na mas maraming deboto ang magtutungo sa lugar na ito.
Saludo kami kay Mayor Isko sa napakagandang kampanya nitong malinis at maiayos ang Maynila.
Sana’y hindi ito ningas cogon lamang.
Sana’y hindi lang ito mangyari sa lugar ng Quiapo ngunit maging sa lahat ng sulok ng siyudad.
Mabuhay ka, Mayor Isko!
-Aris Ilagan