Mga Laro ngayon
(Paco Arena)
1:00 n.h. -- VNS VC vs IEM
3:00 n.h. -- Army vs Sta. Elena
5:00 n.h. -- Easytrip vs Coast Guard
HINDI maganda ang naging pabaon ng Air Force para sa koponan ng Rebisco-Philippines bago ito tumulak patungong Thailand kahapon sa pagtatapos ng 2019 Spikers’ Turf Reinforced Conference eliminations nitong Martes sa Paco Arena.
Pinataob ng Jet Spikers ang Nationals, 25-23, 9-25, 23-25, 25-23, 16-14 upang makatabla sa Cignal sa pangingibabaw sa barahang 10-1.
Pinamunuan ni Ranran Abdilla ang nasabing panalo sa itinala nitong 24 puntos mula sa 17 attacks, 6 na aces, at isang block bukod pa sa 21 excellent receptions at 6 na digs.
Nanguna naman sa Nationals si Bryan Bagunas na may 26 puntos buhat sa 22 attacks, 3 blocks, at isang ace maliban sa 17 excellent receptions.
“Tinry ko ‘yung Air Force team ko kung hanggang saan sila aabot kapag wala yung sila Bryan [Bagunas], sila Kim [Malabunga], saka Francis [Saura], so ‘yun ginawa naman [nila] yung dapat nilang gawin,” ayon kay Air Force head coach Rhovyl Verayo.
“[Pinahiram] ko muna ‘yung ibang players ko doon sa National Team kasi they’re going to Thailand tomorrow ‘di ba, kasi alam ko hindi pa rin sila buo eh,” aniya.
Umalis kahapon ang National Team patungong Thailand para lumahok sa 2019 Sealect Tuna Volleyball Championships.
Sa isa pang laban, bumawi naman ang Cignal buhat sa naging kabiguan sa kamay ng Sta. Elena noong nakaraang Linggo makaraang talunin ang Animo Green Blazing Spikers, 25-21, 25-16, 25-17.
Pinangunahan ni Ysay Marasigan ang pagpapatalsik ng HD Spikers sa Animo Green sa semifinal race sa ipinoste nyang 12 puntos.
“Sabi ko nga sa kanila, all they have to do is play their game. Minsan kasi nakakalimutan nila kung sino sila, so ‘yun lang. Motivation lang, kailangan manalo para mataas ‘yung morale nila pagdating ng semifinals,” ani coach Dexter Clamor.
Sa isa pang laban, namahani ang oit of contention ng Phoenix Volley Masters sa kapwa nila eliminated ng Philippine Coast Guard Dolphins, 27-25, 25-21, 20-25, 25-20.
-Marivic Awitan