Hinikayat ni Health Secretary Francisco Duque III ang lahat ng nabiktima ng food poisoning sa ika-90 kaarawan ni dating First Lady Imelda Marcos sa Pasig City, na kaagad kumonsulta sa doktor kung makakaranas ng mga sintomas ng pagkalason.

Ayon kay Duque, mas makabubuting mabigyan ng kaukulang lunas ang lahat ng nabiktima ng food poisoning upang matiyak na maayos ang lagay ng kalusugan ng mga ito.
Aniya, ilan sa sintomas ng food poisoning na dapat bantayan ay ang hilo, pagsusuka, pagduduwal, pagtatae, paninigas at pananakit ng tiyan, panghihina, at lagnat.
Sinabi ni Duque na may kabuuang 261 ang naitala nilang nabiktima ng food poisoning, matapos na kumain ng packed lunch ng adobong manok na may itlog at patatas, kanin, at bottled water.
Ayon sa kalihim, ang mga nabiktima ay nagpapagaling na sa Mandaluyong-Pasig-Marikina area, kabilang ang The Medical City (100 pasyente), Rizal Medical Center (43), Victor Potenciano Hospital (23), Pasig City General Hospital (40), Cardinal Santos Medical Center (20), Tri-City Medical Center (20), Mandaluyong Medical Center (5), Ospital ng Makati (4), at Amang Rodriguez Medical Center (6).
Ang mga biktima ay isasailalim sa 48-hour hydration upang matiyak ang kanilang full recovery, ayon kay Duque.
Samantala, lumitaw naman sa imbestigasyon ng Pasig City Police na sponsored lang ang mga pagkain na sinasabing posibleng naging dahilan ng food poisoning.
Sa panayam umano ng mga awtoridad kay Elizabeth Lopez De Leon, isa sa mga organizers ng pagtitipon, sinabi nito na isang kaibigan na nagngangalang Loida Hernandez ang nag-donate ng 2,000 piraso ng packed lunch ng adobong manok na may itlog.
Gayunman, kailangang tiyakin muna ng mga awtoridad kung ang nasabing pagkain ba talaga ang naging sanhi ng food poisoning, dahil may iba pang mga pagkain na ipinamigay sa nasa 2,500 Marcos loyalists, na sinusuri na rin ng mga awtoridad.
Hinala naman ni Duque, posibleng kontaminado ang malasadong itlog na kabilang sa mga naihain, ang pinag-ugatan ng insidente.
Tiniyak naman ng pamilya Marcos na sasagutin nila ang lahat ng gastusin ng mga nabiktima ng food poisoning hanggang sa makalabas ang mga ito ng pagamutan.
-Mary Ann Santiago