ILANG dekada nang pinoproblema ng gobyerno ng Pilipinas ang rebelyon ng mga Moro sa Mindanao. Isang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) ang itinatag noong panahon ng administrasyon ni Cory Aquino noong 1989, na pinamunuan ni Nur Misuari ng Moro National Liberation Front (MNLF).
Gayunman, nagpatuloy ang rebelyon ng mga Moro sa kabila ng pagkakatatag ng ARMM, sa pagkakataong ito sa pangunguna ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Nagkipagnegosasyon sa MILF ang pamahalaan, sa ilalim ng administrasyon ni Benigno Aquino III at nagdesisyong magtatag ng bagong rehiyon ng Bangsamoro upang palitan ang ARMM, na tinawag ni Pangulong Aquino na “failed experiment.” Sa pagkahalal niya noong 2016, isinulong ni Pangulong Duterte ang Bangsamoro law sa Kongreso. Sa pagpapatibay ng batas, itinatag noong Marso 29, 2019 ang Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).
Ngayon minana na ng BARMM ang problema ng maraming rebelyon ng mga grupo ng Moro na nagpapatuloy sa operasyon sa Mindanao. Nitong Linggo, umapela si Interim Chief Minister Murad Ebrahim, na dating namumuno sa 12,000 mandirigma ng MILF laban sa pamahalaan, sa Abu Sayyaf na isuko na ang mga armas nito at makiisa sa pagpapaunlad ng BARMM bilang tahanan ng mga Muslim.
Isa ang Abu Sayyaf sa mga rebeldeng grupo na nagpapatuloy sa operasyon sa Mindanao, ito’y sa kabila ng pagkakatatag ng BARMM. Ang lider nitong si Isnilon Hapilon ay napatay ng militar noong 2017 sa pagtatapos ng digmaan sa Marawi City. Ngunit pumalit na ang mga bagong lider at pinaniniwalaang Abu Sayyaf ang responsable sa pambobomba sa Indanan, Sulu, nitong nakaraang Biyernes, kung saan walo ang nasawi at 22 ang nasugatan.
Sa maraming taong nakalipas, nakilala ang Abu Sayyaf dahil sa kidnapping-for-ransom operation, kabilang ang pagbihag sa dalawang Canadian, isang Norwegian, at isang Pinay sa isla ng Samal malapit sa lungsod ng Davao noong 2015. Kalaunan, pinugutan ng ulo ang dalawang Canadian matapos mabigo ang kanilang pamilya at pamahalaan na magbayad ng ransom, ngunit ang Norwegian at isang Pinay ay pinalaya noong Setyembre 2016, matapos mapaulat na nagbayad ng ransom.
Sa pag-upo niya bilang Pangulo noong 2016, isa sa naging pangunahing adbokasiya ni Duterte ang Bangsamoro—na aniya’y, para itama ang isang “makasaysayang inhustisya” sa mga Moro. Naaprubahan na ng Kongreso ang Bangsamoro law at ngayon ay nagsisimula nang kumilos ang mga lider nito upang mapaunlad ang rehiyon.
Ngunit minana rin ng MILF ang lumang problema na dala ng mga armadong grupo tulad ng Abu Sayyaf at ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters. Ayon kay Ebrahim, maraming batang mandirigma ang sumasali sa mga armadong grupo dahil sa pinansiyal na pangangailangan. Ngunit, naniniwala siya, na karamihan sa mga rebeldeng grupo ay dismayado lamang sa pamahalaan, kaya naman sinabi niyang, “We are open for dialogue.”
Minana na ng MILF at mga opisyal ng Bangsamoro ang dati nang problema sa mga rebeldeng grupo na patuloy ang operasyon laban sa pamahalaan. Ngayon, ang Bangsamoro na ang pamahalaan ng rehiyon at tiwala tayo na magtatagumpay ito kung saan nabigo ng pamahalaan, upang kasama ng iba pang mga lider ng mga rehiyon sa isla, maibabalik nila sa wakas ang “lupang pangako” na Mindanao.