NGAYON ay Hulyo 4, ang araw na binigyan ng kalayaan o kasarinlan ang Pilipinas ng mananakop na Amerikano (United States).
Bagamat idineklara ni Gen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite ang kalayaan ng ating bansa noong Hunyo 12,1898, maituturing na ang tunay na paglaya ng ‘Pinas sa mga mananakop ay nakamit ng mga Pinoy noong Hulyo 4,1946.
Gayunman, maitatanong sa ating mga sarili kung talaga bang malaya na ang mga Pilipino sa paniniil at panggigipit ng mga dayuhan? Sinakop at siniil tayo ng mga Kastila (Spain), Amerikano (United States), at Hapon (Japan) sa loob ng mahabang panahon
Ngayon naman ay may nagsasabing bagamat malaya na ang Pilipinas, may nagbabanta pa raw na bagong mananakop sa modernong panahon. Alam na ng lahat ang bagong mananakop na ito, na umookupa sa mga teritoryo natin sa West Philippine Sea.
Minsan, sinabi ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na siya ay magbibitiw bilang Pangulo kapag inambisyon ng kanyang anak na si Pulong, bagong halal na kongresista ng Davao City, ang Speakership.
Ayon sa ating Pangulo, marami na sila sa gobyerno (maliwanag na political dynasty): Siya bilang pangulo, si Sara bilang Davao City Mayor, at si Baste na ngayon ay Davao City Vice Mayor.
Sa banner story ng BALITA kahapon, nagdudumilat ang titulo nito: “Pulong for House Speaker.” Sa itaas ng titulo, may nakalagay na “Resignation offer ni Digong, totohanin kaya”?
Iyan ang malaking katanungan na tanging si PRRD ang makasasagot.
Sa headline naman ng isang English broadsheet, ganito ang nakasulat: “Duterte son open to Speaker’s post”. Isinasaad na nagbanta si Pulong na sa kabila ng payo ng ama na huwag ambisyunin ang maging Speaker, siya ay lalahok sa labanan sa Speakership upang tulungang mapag-isa ang mga kongresista.
Sa ngayon, ang nag-aambisyong maging lider ng Kamara ay sina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Leyte Rep. Martin Romualdez, Davao del Norte Pantaleon Alvarez, at Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano.
Nahihirapan si PRRD kung sino ang kanyang pipiliin. Nagkakagulo ang mga kongresista dahil kanya-kanyang suporta sa gusto nila. May gusto kay Velasco at may gusto kay Romualdez. Silang dalawa ang malakas na kandidato sa puwesto.
Sa kanyang Viber thread sa Hugpong ng Pagbabago, sinabi ni Pulong na ang Kamara ay watak-watak ngayon. Okey sa kanya ang term-sharing ng magiging Speaker. “Maaari kong mapag-isa ito. Tayong lahat ay inihalal ng mga tao.”
Ayon kay Pulong, tatanungin niya ang Visayan bloc na ihalal ang napipili nilang Speaker para sa term share. Tatanungin din niya ang Mindanao bloc at ang Partylist Coalition.
Sinabi ng Malacañang na maaaring magbago ng isip si PRRD sa bantang pagre-resign kapag tinarget ni Pulong ang Speakership. Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, inihayag lang ni Pulong ang balak na pagtakbo sa Speakership. “Maaaring magbago ng isip ang Pangulo. Maaaring magbago ng isip si Congressman Paolo Duterte. So, tingnan natin ang mangyayari.”
Hindi sinabi ni Panelo kung nagbibiro lang ang Pangulo noong ihayag na magbibitiw ito kapag tumakbo at nag-ambisyon si Pulong sa pagka-Speaker. ‘Di ba minsan ay sinabi ni PRRD na pupunta siya sa WPS, itatanim ang bandilang Pilipino doon at sasabihin sa China na “amin ito”? Nangyari ba iyon?
Marami pang pahayag ang ating Pangulo na kapag naging kontrobersiyal ay agad nililiwanag ng kanyang mga cabinet member, partikular si Panelo, at sinasabing nagbibiro lang si PDu30 at dapat masanay ang mga Pinoy sa kanya.
-Bert de Guzman