Sinibak na sa posisyon ang hepe ng Rodriguez Police sa Rizal at 19 pang pulis kasunod ng pumalpak na anti-drugs operation na ikinasawi ng isang 3-anyos na babae, kamakailan.

SINIBAK

Bukod sa pagkaka-relieve ni Col. Resty Damaso, hepe ng pulisya sa nasabing bayan, kasama rin sa sinibak ang 13 na tauhan nito at anim na iba pa na nakatalaga naman sa Intelligence Unit ng Rizal Police Provincial Office.

Ang kautusan ay inilabas ni Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) Police Regional director Edward Carranza.

Politics

Ilang senador, itinangging pinag-usapan politika sa pa-dinner nina PBBM, FL Liza

Iniutos din ni Carranza na isuko ng mga ito ang kanilang mga baril at isailalim sa ballistic test upang matukoy kung sinu-sino sa mga ito ang nakapatay kay Kateleen Myca Ulpina, anak ng isa sa drug suspect na si Renato Ulpina.

Ang mga nasabing pulis ay pansamantalang inilagay sa Personnel and Holding Unit habang isinasailalim pa sila sa masusing imbestigasyon.

Ang imbestigasyon ay pangungunahan ni Calabarzon Regional Investigation and Detective Management Division Police Col.  Arguelles.

Matatandaang iniulat ng pulisya na nasawi ang bata nang gamitin ito ng ama bilang human shield sa naganap na buy-bust operation na nagresulta umano sa engkuwentro.

Napatay din sa sagupaan si Ulpina (Renato) at dalawa pang drug suspect.

Sa hiwalay na panayam, nilinaw ng ama ni Kateleen na si Liza na walang katotohanan ang insidente at sinabing natutulog silang pamilya nang paputukan sila ng mga awtoridad.

-Madelynne Dominguez at Fer Taboy