NOONG ipinasa ang Bangsamoro Organic Law (BOL) at napatayo ang Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao (BARMM) para sa MILF, nakausap ko ang ilang tagasunod at tagapayo ni MNLF Chairman Nur Misuari.
Sagot ng MNLF, aantabayanan nila si Pangulong Rodrigo Duterte na makipagkita sa kanila. Hangad nila na magkatotoo ang pangakong binitiwan ng Presidente sa pagpapatayo ng sistemang federalismo para sa Pilipino (Muslim) na taga-Sulu o mula sa mga pulo, hiwalay sa taga-Maguindanao, Zamboanga, atbp.
Nahulaan ko noon pa, sabay nagbabala sa MNLF, at naisulat sa ‘Señor Senador’, na hindi magaganap ang nasabing naisin ng MNLF, kahit pa ipinatawag sila sa Malacañang pagkatapos naming magkuwentuhan.
Maraming balakid ang nasabing sistema ng pamamahala. Liban pa, kung totoong mas matimbang ang federalismo para sa gobyerno, bakit unang isinulong at ipinatupad ang BOL? Dapat sa isang pagsisikap at kapaguran isinalpak ang BOL sa kabuuang federalismo.
Duda ko, inuna talaga ang BOL para mapaboran ang MILF at matigil ang labanan, at dahil hindi talaga kaya nito ituloy ang federalismo? Magugunita nang patakbuhin ng Malaysia ang MILF. Ayaw ng huli at mismong padrino nila na mahati ang teritoryo ng BOL, sabay, paliitin ang saklaw na kapangyarihan, at makunan ang pondo nito, sa pamamagitan ng hiwalay na federal state para sa Tausog, Samal, Badjao atbp.
Lubos na pinangangambahan ng Malaysia ang pagkakaroon ng sariling federal state ang MNLF, sapagkat kaalyado sa pamilya Kiram (at karamihang Pilipino) sa hangaring maibalik ang Sabah sa Pilipinas.
Umabot pa sa punto, pagkatapos magkita nina DU30 at Misuari sa Palasyo, nagpalipad ng hangin ang Malacañang ilang linggo na ang nakalipas, na kapag hindi naituloy ang federalismo (para sa MNLF), sisiklab muli ang giyera sa Mindanao.
Desperado ang nasabing hakbang. Batid ng Malacañang, imposible na ipailalim ang BOL sa federalismo, at paghatian ng MILF at MNLF ang lahat.
Itong nagdaang linggo, payag na si Duterte na huwag ituloy ang federalismo kung ayaw ng sambayanan. ‘Yun na!
(Abangan sa susunod na Huwebes)
-Erik Espina