Binalaan ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga tindero ng karne sa lungsod na iwasan na ang pagbebenta ng mga double-dead na karne o botcha, dahil maaari itong magkaroon ng masamang epekto sa kalusugan ng mga kakain nito.

Ayon kay Mayor Isko, naglunsad na ang pamahalaang lungsod ng anti-botcha campaign, kasabay ng pagtiyak na hindi nito kukunsintihin ang pagbebenta ng mga kontaminadong karne sa siyudad.
“Itong mga botcha, mga walang permit na pagtitinda ng karne ay walang puwang sa Maynila, dahil gusto natin mapangalagaan ang ating mga mamimili na taga-lungsod ng Maynila. Gusto natin ang mga karne na itinitinda sa Maynila ay ligtas,” anang alkalde.
“Sa mga magkakarne o magtitinda, huwag n’yo po subukan na gawin itong mga ilegal na bagay na ito. Sayang naman puhunan, pero mali po ito,” aniya pa.
Kaugnay nito, pinuri ng alkalde ang mga tauhan ng Manila Veterinary Inspection Board (VIB) sa pagkakakumpiska ng mga ito sa 235 piraso ng hot meat mula sa Paco Market nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon naman kay Dr. Nick Santos, hepe ng VIB Food Hygiene and Regulatory Division, ang mga naturang karne ay ibiniyahe mula sa Las Piñas City at kinatay sa isang hindi accredited na establisimyento, kaya walang kaukulang permit.
Nakumpiska ang mga karne habang ibinabagsak sa pamilihan sa Maynila, ayon kay Santos.
-Mary Ann Santiago