HANDA na si WBC No. 15 Arthur Villanueva ng Pilipinas sa kanyang paghamon sa walang talong si WBC bantamweight champion Nordine Oubaali ng France sa Hulyo 6 sa Barys Arena, Nur-Sultan, Kazakhstan.
“Wala akong problema sa timbang kaya nakatitiyak ako na matutuloy ang laban ko kay Oubaali,” sabi ng 30-anyos at tubong Bacolod City, Negros Occidental na si Villanueva sa Balita. “Sana, tulungan ninyo akong magdasal para mabigyan ko ng karangalan ang Pilipinas.”Kumpiyansa si Villanueva na mabibigyan niya ng magandang laban si Oubaali na mas matanda sa kanya sa edad na 32-anyos lalo’t ipalalabas ng ESPN+ sa live streaming sa United States at iba pang panig ng mundo ang kanilang sagupaan.
Maestilo si Oubaali na may perpektong 15 panalo, 11 sa pamamagitan ng knockouts, ngunit lamang sa karanasan si Villanueva na unang natalo sa kontrobersiyal na 10th round technical decision laban kay Puerto Rican McJoe Arroyo para sa bakanteng IBF super flyweight title noong 2015 sa Texas, United States.
Muling natalo si Villanueva kay Zolani Tete sa 12-round unanimous decision noong 2017 sa kanilang sagupaan para sa interim WBO bantamweight sa itinuturing na teritoryo ng South African na Leicester sa United Kingdom.
Ang ikatlong talo ni Villanueva ay sa non-title bout laban kay dating WBC bantamweight champion Luis Nery sa teritoryo ng Mexican na Tijuana ngunit napabagsak niya ito sa 4th round bago natalo ang Pinoy boxer sa 6th round TKO noong 2017 din.
May rekord si Villanueva na 32-3-1 win-loss-draw na may 18 pagwawagi sa knockouts at umaasang magkakampeon sa kanyang ikatlong world title bout.
-Gilbert Espeña