NAKATATLONG taon na si Pres. Rodrigo Roa Duterte matapos ihalal ng 16.6 milyong botante noong eleksiyon ng 2016. Tinalo niya ang mas kilala at may pambansang pangalan na sina ex-DILG Sec. Mar Roxas, Sen. Grace Poe, at iba pa. Nagwagi ang probinsiyanong alkalde mula sa Mindanao.
Sa tatlong taon ni PRRD sa Malacanang, nag-isyu ang Palasyo ng kanyang mga nagawa o accomplishment, kabilang ang malawak na programa sa imprastraktura, pagpapabuti sa kalagayan sa buhay ng mga Pilipino at pagtataas sa suweldo ng mga sundalo, pulis at guro.
Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, nakuhang maipatupad ng Pangulo ang mahahalagang reporma sa gobyerno kaugnay ng kanyang kampanya laban sa kurapsiyon at sa peace and order sa kabila ng walang humpay na paninira at batikos ng mga kritiko at kalaban sa politika.
Sa pagsisimula ng kanyang bagong tatlong taon sa puwesto, nangako ang Malacanang na lalong pagsisikapan ni PDu30 ang pagkakaloob ng kaginhawahan at kagalingan sa mga mamamayan. “The best is yet to come,” pangako ng Duterte administration sa mga Pinoy. Sabi ng kaibigan kong sarkastiko: “Sana ay mabawasan ang mga patayan at EJKs.”
Sa ilalim ng liderato ni PRRD, sinabi ng Malacanang na ang Pilipinas ay naging isa sa “pinakamalakas na ekonomiya” at growth leader sa rehiyon. Maraming foreign investor ang ngayon ay namumuhunan at nagnenegosyo sa bansa, na naging daan sa Golden Age of Infrastructure sa bansa tulad ng Build, Build, Build program.
Bagamat ganito ang pahayag ng Malacanang tungkol sa nakalipas na tatlong taon ni PRRD bilang Pangulo, hindi naman nawawala ang birada laban sa kanya hinggil sa madugong drug war na ikinamatay ng libu-libong pushers, users sa kamay ng mga pulis at vigilantes.
Sa tala ng Philippine National Police, may 6,000 lamang ang napatay sa kampanya sa droga, pero ayon sa human rights advocates, kritiko, halos 26,000 libo ang napatay ng PNP. Katwiran ng mga pulis, ang mga napatay ay nanlaban daw sa panahon ng buy-bust operations. Ayon naman sa mga pamilya ng napatay, hindi nanlaban ang kanilang kamag-anak, dahil wala naman silang baril.
Hindi rin nawawala ang akusasyon sa extra-judicial killings (EJKs) ng Duterte administration, na ang mga biktima ay hindi pinagkalooban ng due process, hindi raw tulad ng mayayamang drug traders, smugglers na hindi naman agad binabaril kundi hinuhuli at pinatetestigo pa sa Kongreso.
Nangako ang mga bagong halal na kongresista na agad nilang pagtitibayin ang 2020 National budget na nagkakahalaga ng P1.4 trilyon. Nangako sila na aaprubahan ang pambansang budget dakong Oktubre 2020 para maipatupad ng ating Pangulo ang kanyang mga programa, proyekto at patakaran para sa ikabubuti ng bansa.
Nag-uuulan na ngayon matapos ang kung ilang buwan ng tag-tuyot, tag-init na pinalala pa ng El Nino. Nararanasan na rin ngayon ang tinawag na “siyam-siyam” o siyam na araw na pag-ulan. Sinabi ng PAGASA na mas kakaunti ang cyclones ngayong 2019 . Sana naman, at kung may bagyo man, hindi malakas at magdudulot ng pagbaha, pagkasira ng mga pananim at pinsala sa buhay ng mga tao.
-Bert de Guzman