NAKAUWI na sa Canada ang animnapu’t siyam na container ng basura na dinala ng isang kumpanya ng Canada sa Pilipinas noong 2013 at 2014, hudyat ng pagtatapos ng diplomatikong sigalot sa pagitan ng Canada at Pilipinas.
Idineklarang recyclable plastics ang kargamento nang dalhin ito sa Pilipinas. Ngunit naglalaman pala ito ng halo-halong mga basura tulad ng mga diaper, electronics, papel at mga plastics. Nananatili sa pantalan ng Pilipinas ang mga basura ng Canada sa loob ng 16 na taon, kung saan ang ilan ay napadpad sa landfill sa Tarlac.
Sa mga nakalipas na taon, walang kompanya o opisina ng gobyerno ang umako sa responsibilidad para sa mga basura ng Canada, hanggang sa mismong si Pangulong Duterte na ang umaksiyon sa problema. Nagbanta siyang magdedeklara ng digmaan laban sa Canada kung hindi maibabalik ang basura na dinala sa bansa ng isang Canadian company. Tumugon naman dito ang gobyerno ng Canada at iniuwi ang basura sa kanilang bansa.
Ang isyung ito sa basura ang nagbigay sa pagkakadiskubre na maraming industriyal na bansa, lalo na ang Estados Unidos, Japan, Britanya, at Germany ang matagal nang nagtatapon ng kanilang mga basura sa pamamagitan ng pagdadala ng mga ito sa China at iba pang bansa sa Asya, kabilang ang Malaysia, Vietnam, Indonesia, at Pilipinas.
Ang ideya na gamitin ang mga bansang ito bilang tambakan ng kanilang mga basura ay lumikha ng pambansang protesta. Ang pagkakatuklas na karamihan sa mga basura ay binubuo ng mga plastic na hindi nabubulok at magdudulot ng polusyon sa kalikasan sa susunod na daang taon, ay nagdulot ng pandaigdigang hakbang laban sa lumalagong panganib ng polusyon sa plastic sa mga karagatan ng mundo.
Maayos nang umuusad ang kampanya laban sa polusyon sa plastic, kung saan maraming bansa ang nangunguna sa paglikha ng mga paraan upang magamit muli ang plastic bilang materyales sa konstruksiyon para sa mga kalsada at mga gusali. Mayroon tayong pabrika sa Las Pinas na nagre-recycle ng mga soft plastic tulad ng mga food wrappers bilang materyales sa pagbuo ng mga upuan na ibinibigay naman sa mga pampublikong paaralan.
Ang pinakamainam na solusyon sa hindi nabubulok na plastic ay pananaliksik upang humanap ng paraan upang itulad ang plastic sa mga kahoy, leather, tela at papel, na nabubulok kapag tapos nang gamitin. Napaulat na rin ang pagkakadiskubre ng mga mananaliksik ng University of the Philippines Baguio sa strains ng bacteria na natagpuan sa Zambales na kayang tumunaw ng ilang uri ng plastic.
Tapos na ang ating diplomatikong sigalot sa Canada sa pagbabalik ng 69 container van ng basura na ngayon ay dadalhin sa isang waste-to-energy facility sa Vancouver. Marami na ring ibang bansa ang nagsimula nang humakbang upang ihinto ang nakagawiang pagluluwas ng mga basura sa ibang mga bansa. Matagal nang tumatanggap ang China ng mga basurang plastic mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ngunit nagdesisyon ito noong nakaraang taon na isara na ang pintuan para sa mga basura ng mga dayuhan. Mula noong 2015, inamyendahan naman ng Canada ang regulasyon nito upang hindi na nito payagan ang pagluluwas ng mga plastic at iba pang basura.
Isa itong mapait na sitwasyon, ngunit ngayon ay nawakasan na, hindi lamang para sa ating ugnayan sa Canada ngunit gayundin sa pagsisikap ng mundo na palakasin ang mga pag-aaral at pagre-recycle upang wakasan ang pandaigdiang panganib na hatid ng plastics sa mundo.