ISA pang mayor ang gumising nang maaga para alamin ang kalagayan ng panahon, si Mayor Francisco Domagoso o mas kilala bilang Isko Moreno, sa lungsod ng Maynila.

Mayor Isko

Importante kay Mayor Isko ang kalagayan ng mga estudyante tulad ng isinulat namin dito sa Balita kamakailan na muli niyang ibabalik ang Nutribun at Gatas para sa mga nag-aaral sa elementarya sa mga pampublikong paaralan.

Anyway, nitong Linggo ay hindi na maganda ang panahon dala ng tropical depression “Egay” pero walang sinabi ang PAG-ASA na suspendido ang klase kaya may pasok pa sa Maynila ng umaga. Pero kinahapunan ay idineklara na mismo ni Isko na wala nang pasok.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Nakakatuwa ang istilo ni Mayor Isko dahil mala-vlogger siya. Naka-facebook live kasi siya para mas madaling malaman ng nasasakupan niya ang mga ginagawa at sinasabi niya.

Nabanggit niya rin na i-follow ang Facebook page niya para malaman ang latest development at updates sa lungsod. Sinabi rin niyang sana ay makisama ang lahat ng may-ari ng mga pribadong eskuwelahan na kapag sinabing walang pasok sa lahat ng level ay sumunod.

Kung hindi makasusunod ang mga ito ay puwedeng i-cancel ni Mayor Isko ang kanilang business permit to operate at maaari silang umalis ng Maynila. Tahasang binanggit ni Mayor Isko na hindi sumunod ang University of the East sa suspensyon ng klase, bukod pa sa maraming reklamong nakakarating sa kanyang tanggapan.

Aniya, “If this happens again I will have their permit to operate cancelled. I want them to know that this is a new administration and we will strictly enforce the law. College students are not frogmen,”

Habang isinusulat namin ang balitang ito ay wala pa kaming nakuhang sagot mula sa UE management.

Kinagabihan naman ng Lunes, Hulyo 1, ay napanood namin si Mayor Isko na binisita naman ang Lacson underpass sa Quiapo at nagbilin siya sa mga guwardiya na hindi na ito puwedeng isara. Bukas na ito 24/7 para may madaanan ang mga tao dahil mahirap tumawid sa kalsada dahil sa disgrasya.

“’Pag sinara nila (nangangasiwa), you send me messenger,” mahigpit na bilin ni mayor Isko.

Binisita rin niya ang kapaligiran ng Quiapo Church at nagulat ang ibang tao ng mga sandaling iyon dahil nasalubong nila ang mayor nila na naglalakad kahit umaambon. May mga pinatatanggal na harang sa harap ng simbahan at pinalilinis niya ang mga kalsada na nakapalibot hanggang LRT Isetann dahil mapanghi raw.

Oo nga, minsan lang kaming dumaan sa nasabing lugar ay hindi n a kami umulit pa dahil para kaming nasa public toilet na walang naglilinis.

Sabi naman ng netizen na si Nouel Reyes, “Hindi magiging tagumpay si Mayor Isko kung walang tulong ng mga taong bayan! Please help him restore the glory of Manila. Kilos din tayo mga Manileño. Para sa atin naman ito at para sa mga susunod pang henerasyon ng Manileño. Kudos to you, Mayor Isko!”

Samantala, naaliw naman kami sa mga nagtitinda sa Lacson underpass dahil inalam ni Isko kung may mga permit ang mga ito. Anila, bago pa lang daw sila kaya wala pa silang permit. Sinabihan naman silang mag-apply.

Dahil starstruck ang mga nagtitinda ay nagpa-picture sila kay Mayor Isko, ganting sabi naman ni mayor, “picture na lang wala ng permit?”

Anyway, sana lahat ng Ama o Ina ng isang lungsod ay katulad ni Mayor Isko na hands on.

-Reggee Bonoan