NGAYONG magsisimula na ang 18th Congress, sisimulan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalatag sa pamana na nais niyang iwan kapag nakumpleto na niya ang kanyang termino. At hindi mga monumento o kung ano pa mang titulo ang tinutukoy ko. Sigurado akong si Pangulong Digong ang unang tatanggi sa mga walang kabuluhang pagkilala na igagawad sa kanya.
Ilang beses na kaming nagkasama ng Presidente, at masasabi kong siya ang tipo ng tao na hindi naghahangad ng mga parangal at pagkilala. Ayaw nga niyang kinakabitan ng “His Excellency” o “Honorable” ang kanyang pangalan. Kung lilimiin, ang ugali niyang ito ay tunay na gawain ng isang marangal na lingkod bayan.
Gaya ng ilang beses na niyang sinabi, hangad niyang sa pagtatapos ng kanyang termino ay lilisan siya sa puwesto nang ang bansa ay maunlad, mapayapa, at malinis na sa droga at kurapsiyon, at respetado ng buong mundo.
Tulad ng nabanggit ko sa aking kolum noong nakaraang linggo tungkol sa pangangailangang tapusin ng administrasyon ang sinimulan nito sa programang “Build, Build, Build”, tatalakayin ko naman ang iba pang bagay sa agenda ng administrasyong Duterte sa huling tatlong taon nito.
Ang pinakamabisang paraan upang mahadlangan ang kaunlarang pang-ekonomiya na tinatamasa natin sa ngayon ay ang pagkakaroon ng banta sa kapayapaan at kaayusan sa bansa. Kaya naman lubhang mahalaga ang pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Mahalaga ang tuluy-tuloy na kaayusan sa pagpapatupad sa napakaraming mahahalagang proyektong imprastruktura sa Mindanao. Halimbawa lang, paano natin mailalatag nang maayos ang mga riles kung laging nariyan ang pangamba ng biglaang pag-atake ng mga armadong grupo?
Dapat na tutukan ng pamahalaan sa nalalabi nitong tatlong taon ang pagkakaloob ng hindi nagmamaliw na suporta sa administrasyon ng BARMM. Kailangang taglay nito ang kinakailangang suportang pinansiyal at pulitikal upang maresolba ang maraming problemang gumigiyagis sa rehiyon. Kailangang mamuhunan ang gobyerno sa BARMM, dahil ito ang magiging batayan ng post-conflict development.
Ganito rin dapat ang approach sa kampanya kontra ilegal na droga. Sa kabila ng pagbatikos ng mga kritiko, tanggap ng mamamayan ang mga pagpupursige ng gobyerno kontra droga. Ito ay dahil ramdam nila ang mas ligtas na ngayong kalagayan ng kanilang komunidad. Siyempre pa, hindi naman tuluyang masusugpo ang ilegal na droga, gayundin ang katotohanang may iilang pulis ang sangkot sa katiwalian. Ngunit sa pangkalahatan, kuntento ang publiko sa itinatakbo ng kampanya kontra droga. Ang pinakamalinaw na patunay ay ang nakamamanghang pagkapanalo ng mga kaalyado ni Duterte sa nakalipas na eleksiyon.
Mahalagang ipagpatuloy ng administrasyong Duterte ang pagsasakatuparan sa political will nito sa pagsawata sa kurapsiyon sa mga ahensiya ng pamahalaan, at sa pagpapalit sa mga opisyal na hindi maayos na nakatutupad sa kani-kanilang tungkulin. Ilang opisyal na rin ng pamahalaan ang sinibak ng Pangulo sa puwesto, ilan pa nga sa kanila ay masugid niyang tagasuporta. Nagpapatupad si Duterte ng kambal na estratehiya sa larangang ito—ang paglalantad at pagpapaalis sa mga opisyal na sangkot sa kurapsiyon, at pagtatalaga ng kalalakihan at kababaihang kilala sa mahusay at tapat na serbisyo.
Dapat ding tutukan sa huling kalahating bahagi ng administrasyong Duterte ang pagpapatatag sa pandaigdigang pagkilala sa Pilipinas bilang isang nagsasariling bansa na may lubos na soberanya. Nagawa ito ni Duterte at ng kanyang foreign affairs team sa pamamagitan ng pagpapasigla ng ating ugnayan sa mga bansa na hindi natin tradisyunal na kaalyado, tulad ng China at Russia, gayundin ng mga kalapit-bansa nating Japan at ASEAN. Dahil dito, hindi na tayo masyadong nakaasa sa Amerika. Mariin din ang naging pagtutol ng gobyerno sa anumang pagtatangka ng pakikialam ng ibang bansa sa mga usapin sa loob ng Pilipinas. Kailangang ipagpatuloy natin ito.
Idadagdag ko na rin na ang susunod na tatlong taon ay dapat na gugugulin sa pagpapaigting ng ipinagkaloob na mga proteksiyon sa mga overseas Filipino workers (OFWs). Kailangang igiit ng pamahalaan ang independence at sovereign will nito sa pagtiyak na maayos at makatao ang pagtrato sa mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa.
Ang mahalaga ay ang ipagpatuloy ang mga nasimulan na, at higit sa lahat, siguraduhin na mapapanatili ang mga napagtagumpayan kahit tapos na ang termino ni Duterte. Ang isa sa mga naging problema sa nakalipas, kapag may bagong nahalal na pangulo, madali na lang para rito na balewalain ang mga nagawa ng kanyang hinalinhan, kahit pa epektibo at nakatutulong naman ang mga ito. Magagawa kaya ni Duterte na buong pagtatagumpay na tapusin ang kanyang sinimulan? Maipagpatuloy at mapagbuti pa kaya niya ang mga nagawa niya sa unang tatlong taon ng kanyang panunungkulan?
Alang-alang sa bansa, ipagdasal nating maisakatuparan niya ito.
-Manny Villar