Nanawagan ngayong Miyerkules si Senate President Vicente Sotto III sa mga employer na pag-aralan muna ang kanyang proposal sa pagbibigay ng 14th month pay sa mga manggagawa sa pribadong sektor bago ito tutulan.

(kuha ni Czar Dancel)

(kuha ni Czar Dancel)

“Hindi pa nila binabasa ‘yung bill, pinipintasan na nila. Sana pag-aralan muna nila, kasi na-address nung batas ‘yung sinasabi nilang problema ng mga kumpanya,” pahayag ni Sotto sa panayam sa radyo.

Muling inihain ng Senate leader nitong Lunes ang nasabing panukala, na mag-oobliga sa mga pribadong kumpanya na bigyan ang kanilang mga empleyado ng 14th month pay upang makaagapay ang mga ito sa tumataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo, partikular sa kalusugan at edukasyon.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Gayunman, sinabi ni Employers Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz-Luis na bagamat kayang tugunan ng malalaking kumpanya ang mandatory 14th month pay, hindi ito kakayanin ng mga micro, small and medium enterprises (MSMEs).

“Dalawa lang puwedeng gawin ng mga kumpanya, eh, ipapatong nila sa presyo nila kung kaya ng merkado, o kung hindi naman, babawasan nila sa tao, sa pagsusuweldo, magbabawas ng tao,” paliwanag ni Luis.

Nilinaw naman ni Sotto na ang bill ay naglalaman ng "several exemptions", kabilang ang maliliit na kumpanyta na hindi kayang magpatupad ng salary increase.

“Kung ikaw ay distressed employer, certification lang ng BIR (Bureau of Internal Revenue) alam natin kung ikaw ay distressed employer o hindi. Tapos ‘yung government employers, hindi kailangan dahil meron naman silang benepisyong ganun. Tapos, ‘yung mga paid in commission, 'yong mga by commission, hindi naman kasama 'yon,” paliwanag ni Sotto.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 10, kailangang ibigay ang 13th month pay bago ang Hunyo 14 ng bawat taon, habang ang 14th month pay ay dapat na matanggap ng empleyado hanggang sa Disyembre 24.

Hinikayat din ni Sotto ang mga employer at business representatives na dumalo sa pagdinig ng Senado sa nasabing panukalang-batas.

“Kailangan makinig muna sila sa hearing, pumunta sila sa hearing, imbitado naman sigurado lahat ng mga sector na ‘yun, at malalaman nila kung ano ‘yung mga puwede at hindi,” sabi ni Sotto.

-Vanne Elaine P. Terrazola