“TINATAKOT ninyo ako ng impeachment, son of a b*tch, subukan ninyong gawin ito. Basta subukan ninyo ako. Kung ganap kayong lalaki at matapang at may balls, gawin ninyo, son of a b*tch. Impeach ako? Ipakukulong ko silang lahat. Subukan ninyong gawin ito at gagawin ko ang akin.”
Ito ang winika ni Pangulong Duterte sa kanyang mga kritiko, na nagsabing impeachable offense ang kasunduang pinasok niya sa China na payagan itong mangisda sa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Partikular na ikinagalit niya ang suhestiyon ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na mahaharap siya sa impeachment sa hindi pagtupad ng tungkuling pangalagaan ang soberenya ng bansa.
Ayon kay Liberal Party President Francis Pangilinan, bilang reaksyon sa pagbabanta ng Pangulo, ang pag-i-impeach sa pangulo ay hindi krimen.
Naihayag ng Pangulo ang kanyang pinasok na kasunduan kay Chinese President Xi Jingping nang punahin ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na labag sa Saligang Batas ang payagan ang mga Tsinoy na mangisda sa karagatan ng Recto Bank bilang sa sinasabi niyang solusyon sa sigalot na nangyari dito hinggil sa pagbangga ng Chinese trawler sa bangkang pangisda ng mga Pilipino.
Nangyari ang kasunduan, ayon sa Pangulo, nang angkinin ng China ang Panatag Shoal at ayaw nang pangisdain ang mga Pinoy. Kaya, isinantabi niya ang desisyon ng Permanent Arbitration Court Sa Hague, na napanalunan ng bansa laban sa China.
“Napagkaisahan namin ito na magbigayan ang bawat isa. Mangisda ka roon, mangisda naman kami rito,” sabi ng Pangulo.
Ang Panatag Shoal ay bahagi ng West Philippine Sea na, ayon sa Arbitral Court, ay nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas at sa ilalim ng kanyang sovereign rights.
“Kung pagbabawalan ko ang China, paano ko ito maiipuwersa? Kung ang Amerika ay takot at ayaw nitong makipagkumprontasyon sa China. Gusto nilang gawin ko ito? Gusto talaga nilang malagay ako sa gulo,” wika ni Pangulo.
Ito ang hirap kay Pangulong Digong, na umaasa sa lakas at pananakot sa kanyang pamumuno. Ang gusto lang niya ang dapat na manaig. Ang nais niya ay siya lang magsasabi at gagawa ng makabubuti sa kanyang nasasakupan.
Kaya, nang salungatin ni Sen. Leila de Lima ang pamamaraan niya sa pagpapairal ng war on drugs, humantong ito sa piitan.
Samantalang si dating Punong Mahistrado Lourdes Sereno, naibuwis niya ang kanyang posisyon dahil binigyan niya ng proteksiyon ang mga hukom na idinadawit ng Pangulo sa droga.
Lumalasap ng maaanghang na salita at pagkutya ang mga taong pinupuna ang kanyang ginagawa. Itong huli, tinawag niya si Supreme Court Senior Associate Justice Carpio na “stupid” at “fool” dahil ipinamukha sa kanya na labag sa Saligang Batas ang pagpapahintulot niya sa China na mangisda sa exclusive economic zone ng bansa.
Pero, kapag nakatagpo ang Pangulo ng higit na matapang sa kanya, nangingimi siya. Ang inaabot ng kanyang lupit ay ang mga kababayang nakikiusap sa kanya na ipaglaban ang kapakanan ng kanyang bansa at mamamayan. Ang mga ito ang kanyang binantaang ipakukulong dahil pinupuwersa siyang kumilos.
-Ric Valmonte