Nadakip ang isang Kenyan na miyembro ng dating kilabot na terror group sa Middle East na al-Qaeda, sa isinagawang raid sa isang hotel na tinutuluyan niya sa Iba, Zambales, nitong Lunes.
Kinilala ni Maj. Gen. Amador Corpus, director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang suspek na si Cholo Abdi Abdullah, isang Kenyan, at kakukumpleto lang ng 20 hours flight na requirement ng aviation school sa Zambales upang maging piloto.
“He is affiliated with the al-Qaeda terror group who pledged allegiance to the al-Qaeda in 2012. He is currently operating in East Africa,” ani Corpus.
Nakumpiska umano kay Abdullah ang isang improvised explosive device, isang hand grenade, iba’t ibang materyales sa paggawa ng bomba, at isang .9mm caliber pistol.
Ayon kay Corpus, nakatanggap sila ng tip mula sa foreign counterparts nila laban kay Abdullah.
Sa bisa ng search warrant, sinalakay ng CIDG operatives ang isang hotel sa bayan bandang 3:30 ng hapon, kung saan naaresto ang dayuhan.
Itinatag ni Osama bin Laden, ang al-Qaeda ay kilala sa pambobomba sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kabilang ang September 11, 2001 terror attack sa World Trade Center sa New York City.
Pakay naman ng imbestigasyon na matukoy ang dahilan kung bakit nag-aral ng pagpipiloto si Abdullah.
Sa monitoring, 2017 pa namamalagi sa bansa ang suspek na tumutuloy sa hotel kung saan ito nadakip.
“With the presence of bomb making devices and IED, it is not yet confirmed if he is a bomb maker but we believe he is also knowledgeable on IED and explosive devices,” ani Corpus.
Sa ngayon, nagsasagawa, aniya, ang pulisya ng backtrack investigation upang matukoy kung may kasamahan si Abdullah sa bansa.
-Aaron Recuenco