Aabot sa P1.4 milyon ang halaga ng kush o marijuana na nasabat sa isang lalaki, makaraang mabuking ang pagkakasilid ng mga ito sa pakete ng chips, na kinuha ng suspek sa Central Mail Exchange sa Pasay City, nitong Lunes.
Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BoC-NAIA) team, sa pakikipagtulungan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang suspek na kinilalang si Jake Soriano, nasa hustong gulang, at residente sa San Juan City.
Ayon sa ulat, ang nasabing droga, na nakasilid sa pakete ng tortilla chips, ay nanggaling sa Illinois sa Amerika.
Nabatid na Hunyo 25 nang dumating ang nasabing pakete sa NAIA, para sa consignee na nagngangalang Joseph Mariano.
Kahina-hinala umano ang nasabing package, dahil iba ang amoy nito, ayon sa mga tauhan ng BoC.
Sa physical examination ng Customs examiners at PDEA, napag -alaman na marijuana ang nasa package, na nagpositibo rin sa pagsusuri ng Law Division ng PDEA.
Sa imbestigasyon ng PDEA at BoC, itinanggi naman ni Jake na siya si Joseph Mariano.
Nakapiit na ngayon ang suspek sa punong tanggapan ng PDEA, at kakasuhan ng paglabag sa Sections 117, 1400, at 1114 ng Customs Modernization and Tariff Act, na may kaugnayan sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).
-Bella Gamotea at Jun Fabon