TULAD ng season host Arellano University, isa ang Jose Rizal University sa mga koponang may bagong head coach sa kanilang men’s basketball squad ngayong NCAA Season 95 sa katauhan ni Louie Gonzalez.

Si Gonzales ang napiling pumalit sa binakanteng puwesto ni basketball legend Vergel Meneses na nagsimula na ng kanyang bagong karera sa larangan ng pulitika bilang halal na alkalde ng kanilang bayan na Bulakan,Bulacan.

Naiwan sa team ang mga sophomores na sina Ry Dela Rosa, MJ Dela Virgen at Agem Miranda pagkaraang lumipat ng UAAP sa koponan ng University of the East ng dati nilang topgun na si Jed Mendoza at magtamo muli ng ACL injury ang dating juniors MVP na si Darius Estrella.

Dahil dito, batang-bata ang koponang gagabayan ni Gonzales na pamumunuan ng mga second-year players na sina Dela Rosa at Miranda na ayon sa bago nilang mentor ay nagpapakita ng kahandaang harapin ang hamon ng pagiging lider.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Every day, I talk to Agem and Ry, I give them more responsibility. With their attitude, they’re really up to it. Agem is really special. Ry is a team player, he does the small things,” saad ni Gonzalez

Inaasahan namang makakatuwang nila ang mga dating JRU Light Bombers standouts na sina John Amores, John Delos Santos,Marwin Dionisio, at Thomas Vasquez.

Ayon kay Gonzales, magandang pagkakataon ito para sa kanila upang maipakita angoneksiyon ng programa ng juniors at seniors basketball ng JRU.

Masusubukan din ang kakayahan ni Gonzales kung makakaya nyang ibangon ang muling sumadsad na performance ng Heavy Bombers na nagtala lamang ng tatlong panalo sa kabuuang 18 laro nila sa eliminations noong Season 94.

Dito naman inaasahang papasok ang kanyang naging championship experience bilang assistant coach ng Letran noong NCAA Season 91 at ng De La Salle University noong UAAP Season 79.

Wala namang ipinangako si Gonzales para sa Heavy Bombers maliban sa lalaban sila sa abot ng kanilang makakaya.

Sisikapin nilang magamit ang makukuhang karanasan ngayong Season 95 para unti-unting umangat at muling makabalik ng Final Four sa mga susunod na season.

“Wala naman kaming pupuntahan kundi pataas. Kung maka-7th or 8th, medyo okay na ako kasi it’s a rebuilding team. Ang goal namin is mag-improve nang mag-improve.” wika pa ni Gonzalez.

-Marivic Awitan