SUNTOK sa buwan ang plano na ipa-impeach si President Rodrigo Roa Duterte. Dahil dito, hindi na dapat pang magbanta ang Pangulo na ipakukulong ang magpapa-impeach sa kanya.
Wala sa batas o sa Constitution na puwedeng ipaaresto ang sino man o grupong maghahain ng impeachment complaint laban sa Pangulo. Demokrasya ang Pilipinas, malaya ang mamamayan na maghain ng reklamo laban sa mga impeachable official ng gobyerno, kabilang ang Pangulo ng bansa.
Sabi nga ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi dapat mag-alala si PRRD na baka siya ma-impeach dahil kaalyado niya ang mga kongresista sa 18th Congress. Saad ni Panelo: “Paano matatakot ang Pangulo sa impeachment? Ang impeachment ay isang numbers game. Nasa amin ang super majority sa Kamara.”
Tiniyak ni Spox Panelo na itatapon lang sa basurahan ang reklamong impeachment pagdating sa Kamara. Noong Huwebes, hinamon ni PRRD ang mga kritiko na ipai-impeach siya, at nagbantang ipakukulong ang mga ito.
Sinabi rin niya na ang constitutional provision hinggil sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa ay para lang sa “thoughtless and the senseless” dahil ang Constitution ay magiging isang piraso lang ng papel kapag sumiklab ang gulo (giyera) sa EEZ sa West Philippine sea.
Bakit ang hilig ng ating Pangulo na sambitin ang giyera sa WPS kapag hinigpitan natin ang China sa pag-okupa sa ating teritoryo, reef, shoal at isles na saklaw ng ating EEZ? Bakit naduduwag siya sa China gayong ang Indonesia, Malaysia at Vietnam ay nilalabanan ang dambuhala sa kanilang mga teritoryo sa dagat, eh, hindi naman sila ginigiyera ng China?
Handa ang Makabayan bloc sa House of Representatives (HOR), na binubuo ng anim na leftist congressmen, na mag-initiate ng impeachment complaint laban kay PDu30. Abangan kung sila ay maipakukulong ng Pangulo.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers Rep. Antonio Tinio, tiyak na maghahain sila ng reklamo. Sinabi niya na maliwanag na paglabag sa Constitution ang pahayag ng Pangulo na papayagan niya ang Chinese fishermen na makapangisda sa EEZ ng Pilipinas.
Maging si SC Senior Associate Justice Antonio Carpio ay nagpahayag na labag ito sa Saligang-Batas.
Dahil sa pahayag na ito ni Carpio, tinawag siyang “estupido” at “buang o baliw” ng Pangulo. Gayunman, hindi ito pinansin ng mahistrado. Bagkus, sinabi niyang hindi “thoughtless and senseless” ang pahayag na paglabag sa Constitution ang pagpayag ni PRRD na mangisda ang Chinese fishermen sa Recto Bank o lugar na saklaw ng ating EEZ, sapagkat ang dapat lang mangisda roon ay mga Pinoy fishermen.
-Bert de Guzman