WALA akong makitang balakid upang patagalin ang pagsasabatas ng National Campus Press Freedom Day (NCPFD), na napagkaisahang itinaguyod ng Senado at Kamara. Ang naturang panukalang-batas, na nagtatakda sa Hulyo 25 ng bawat taon bilang NCPFD, ay ipadadala na sa Malacañang upang lagdaan ni Pangulong Duterte.
Naniniwala ako na wala ring magiging balakid sa positibong pagsasaalang-alang ng Pangulo sa naturang bill; matayog ang kanyang pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag ng mga campus journalists – kalayaan na ginagarantiyahan ng ating Konstitusyon. Patunay lamang ito na walang may monopolyo ng freedom of the press, expression and speech.
Dapat lamang mabigyan ng pagkakataon ang ating mga campus journalists ng kalayaan upang kahit minsan man lamang isang taon ay masarili nila ang kahalagahan ng naturang kalayaan sa pamamahayag. Sa kanilang hanay nagmumula ang professional media men, na ngayon ay mga miyembro ng iba’t ibang print and broadcast outfit.
Halos lahat ng ating mga kapatid sa mainstream media ay mga dating campus journalists. At, mawalang-galang na sa ating mga kapatid sa propesyon, karamihan sa mga mamamahayag sa campus ay higit pang mahuhusay kaysa sa ating hanay. Masasalamin ang kanilang kagalingan sa kanilang mga isinusulat sa kani-kanilang mga school organ, na ang karamihan ay nagtatamo ng mga karangalan sa campus newspaper competition.
Hindi ko malilimutan si Isabelo T. Crisostomo, halimbawa, na nagsimulang magsulat ng maiikling kuwento at artikulo sa wikang Ingles sa Advocate – ang campus publication ng Far Eastern University; kalaunan, itinanghal siyang isa sa pangunahing manunulat sa Philippine Free Press; isa rin siya sa kumatha ng biography ni dating Pangulong Fidel Ramos.
Isa ring kapwa miyembro ng Advocate ang naging tanyag na manunulat: Si Fred dela Rosa. Bukod sa pagiging isang kolumnista, matagal siyang speech writer ng kapatid natin sa pamamahayag – si dating Senador at Labor Secretary Blas Ople.
Maging ang ating publisher at editor-in-chief, si Cris Icban, sa aking pagkakaalam, ay naging haligi rin ng Philippine Collegian – ang school paper ng University of the Philippines. Natitiyak kong marami pang mga dating campus journalist ang maituturing ding mga haligi ng pamamahayag noong sila ay nag-aaral pa sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad.
Ilan lamang ang mga ito upang maging batayan ng pagsasabatas ng NCPFD bill kapag ito ay nakarating sa hapag ng Pangulo.
-Celo Lagmay