SA gitna ng mabilis na mga pagbabago dulot ng digital landscape sa mundo, hinihikayat ngayon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang publiko na samantalahin ang adbentahe ng teknolohiya sa iba’t ibang paraan.

Nananawagan si dating DICT undersecretary Monchit Ibrahim sa 400 kalahok mula sa mga lokal na pamahalaan, akademya, mga stakeholders, katuwang at iba pang kaugnay na ahensiya ng pamahalaan sa ginanap na ICT Conference sa Carmona Community Center, kamakailan.

“There is no question that digital technology has affected, impacted our education system, work, and the way we live, the way we do business, the way we relate to one another, almost every aspect of our lives,” pahayag ni Ibrahim.

Ginamit din niyang halimbawa kung paano ang humanoid robot na si Sophia ay nakapagtalumpati sa Agenda 18 sa Miami, Florida sa Amerika, noong Marso ng nakaraang taon.

Ito, aniya, ang nagbukas ng posibilidad ng paggamit o pag-imbita ng mga tagapagsalita o bisita sa mga kumperensiya tulad niya, 50 taon mula ngayon.

Pinangunahan ng DICT Regional Office Luzon Cluster 2, bahagi ang forum ng suporta para sa aktibidad ng DICT sa pagdiriwang ng 2019 Information and Communications Technology Month nitong Hunyo, na may temang “See ICT Differently: Infostructure, Big Data, and Application”.

Hangad ng pagdiriwang na balikan ang mga paraan na ginamit ng mga tao sa 21st-century trends, tulad ng mga malalaking data analytics, Internet of Things (IoT), at cloud computing. Layon din nito na higit pang mapalakas ang pananaliksik at pagpapaunlad sa inisyatibo upang higit pang maunawaan at magamit ang ICT sa bansa.

Kaugnay ng tema, binigyang-diin din ni Ibrahim ang pagkakaroon ng bukas na isipan upang matanggap ang mga posibilidad at paraan kung paano titingnan ng isang tao ang mga bagay sa kanyang paligid.

“Change the way we look at our education system. It’s (been) the same way in the past 50 years,” aniya.

Nabanggit din niya ang “Germany System” ng apprenticeship, na nakasandig sa competency-based, “where education is not mostly done in school but in the workplace.”

“The power is in our hands to prepare for what will happen 50 years from now. Go out and learn digital technology,” saad pa ni Ibrahim.

Tinalakay rin sa forum ang digital parenting (challenges and approaches); data privacy (why it matters and how to protect it); digital jobs (the future of people and business); at pag-unawa sa mga key infrastructure at national government portal.

-PNA