ILANG kritiko ng administrasyon ang nagsimulang manawagan kamakailan para sa paghahain ng isang impeachment complaint laban sa Pangulo, matapos nitong sabihin na maaaring mangisda ang mga Tsino sa katubigan ng Pilipinas sa ilalim ng isang kasunduan niya kay Chinese President Xi Jinping. “That is our agreement,” sinabi ng Pangulo. “You can fish here. I will fish there.”
Ang impeachment ang tanging kaso na maaaring isampa laban sa nakaupong pangulo. Ngunit hindi ito hawak ng korte na maaaring pagdesisyunan sa Korte Suprema. Isa itong politikal na proseso kung saan ang paghuhukom wala sa kamay ng mga hukom at mahistrado, ngunit nasa mga kongresista at mga senador.
Kung maisampa ang kaso ng impeachment laban sa Pangulo, hahawakan ito ng isang komite ng Kamara de Representantes na silang magdedesisyon kung dadalhin ito sa buong asembleya. Kung isang-katlo (one-third) ng mga miyembro ng Kamara ay bumoto para ma-impeach, uusad ang kaso at dadalhin sa Senado para sa pagdinig at mangangailangan naman ng dalawang katlo (two-thirds) ng boto sa mga miyembro ng Senado upang mapagtibay ang desisyon.
Sa bawat hakbang sa proseso, ang mga miyembro ng Kamara at Senado, lahat ng politiko, ay boboto kung uusad ang kaso ng impeachment. Sa nakatakdang 18th Congress, dominado ang Kamara ng mga maka-administrasyong mambabatas, dahilan upang hingin ang opinyon ni Pangulong Duterte para sa pagpili ng susunod na ispiker. Samakatuwid, anumang kaso ng impeachment laban sa kanya ay malamang na mabasura lamang.
Kaugnay nito, mapapansin, na may malaking usap-usapan din para sa isang impeachment laban kay United States President Donald Trump para sa obstruction of justice, sa umano’y hakbang nito na pigilan ang imbestigasyon ng Department of Justice sa kaso ng pakikialam ng Russia sa halalan ng US noong 2016.
Hinamon ni Trump ang mga oposisyong Democrats na maghain ng impeachment laban sa kanya. Maaari itong aprubahan ng House of Representatives na dominado ng mga Democrats ngunit malabo naman itong pumasa sa Senado na ngayon ay kontrolado ng Republican Party ni President Trump.
Sa Pilipinas, tulad sa US, maaasahan nating magpapatuloy ang usapin ng impeachment, lalo’t isa itong magandang kuwento. Sa dalawang bansa, ang mga isyung tulad nito ay malaking bahagi ng eksenang politikal. Maaaring wala itong agarang epekto, ngunit bahagi na ito ng kabuuang larawan ng politika at gobyerno na tumutulong sa paghubog ng imahe ng mga lider sa publiko.
Malamang na manatili lamang isang usapin ang usapin ng impeachment laban kay Pangulong Duterte sa naging polisiya nito ng kooperasyon sa pagpapaunlad at paggamit ng mga yamang-tubig ng bansa, ngunit tulad ng ipinunto sa taas, ang impeachment ay isang politikal na proseso at malabong lumusot sa Kamara ang anumang katulad na reklamo.
Kaya naman, kailangan nating tingnan ang usapin ng impeachment sa tamang pananaw—bilang isang politikal na pagbabago na magiging bahagi ng kasaysayan ni Duterte ngunit walang pag-asa na umusad sa Kongreso kung titingnan sa ngayon.