Natuklasan ng isang guro ang kalunus-lunos na sinapit ng walong taong gulang niyang estudyante, na pinaluhod ng sarili nitong ina sa nagbabagang uling, makaraang pagbintangang naglakwatsa at hindi pumasok sa eskuwela, sa Zamboanga del Sur.

Ayon sa report ng Zamboanga del Sur Provincial Police Office (ZSPPO), kamakailan lang natuklasan ang insidente makaraang puntahan ng mga guro ang batang babae sa bahay nito sa bayan ng Tukuran, Zamboanga del Sur.
Nabatid na simula nitong Martes, Hunyo 25, ay hindi na pumapasok ang bata sa eskuwela kaya nagtaka ang mga guro niya.
Nang puntahan sa bahay, dito na nabunyag ang kaawa-awang sinapit ng paslit, na lapnos ang magkabilang tuhod matapos daw paluhurin ng sariling ina sa nagbabagang uling.
Sinasabing Hunyo 24 ng gabi nang mangyari ang umano’y pagpaparusa sa paslit, pero nitong Biyernes lang nadiskubre ng mga guro.
Batay sa salaysay ng bata, inakala ng kanyang ina na hindi siya pumasok sa paaralan dahil umuwi siyang hindi dala ang kanyang bag.
Gayunman, aniya, na-lock sa classroom ang bag ng bata matapos niya itong iwan upang makiisa sa pista ni San Juan Bautista sa kanilang lugar.
Ayon kay Tukuran Vice Mayor Delfina Cortina, ipinatawag na ng barangay council ang mga magulang ng bata, na umano’y nakagawian na ang pisikal na pananakit kahit sa iba pa nilang mga anak.
Wala pa namang ipinatupad na aksiyon ang lokal na Social Welfare and Development Office tungkol sa sinapit ng paslit.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga muna ng kanyang lolo at lola ang bata, habang nasa poder pa rin ng kanyang mga magulang ang apat niyang mga kapatid.
-Fer Taboy