MATAGAL kaming nawalan ng komunikasyon ni Valerie Concepcion dahil naging abala siya hanggang dumaan sa timeline namin ang pre-nup photos nila ng fiancé niya na kinunan sa Windmills sa Pililia, Rizal. Hindi pamilyar ang mukha sa amin ng soon to be husband ng aktres.

Valerie at Francis

Tinext muna namin ang manager niyang si Becky Aguila para alamin kung kailan ang kasal ni Val (palayaw ng aktres) at sinagot kami ng, “Better kung sa kanya na lang, Reg. Ito number niya.”

Tinext namin ang aktres at iyon pa rin pala ang numero niya, hindi pa rin nagbago 16 years ago.

Vic Sotto, nasaktan sa ginawa ng TAPE sa Eat Bulaga

“Hi Tita Reggee, kumusta na po?” ito kaagad ang bungad sa amin ni Valerie.

Diretso kaagad ang tanong namin kung kumusta na siya, kailan at saan ang kasal, sino at taga-saan ang mapapangasawa, anong work, saan sila nagkakilala at ilang taon na silang magkarelasyon?

“His name is Francis Sunga po, non-showbiz. He’s a Filipino but he’s based in Guam. We met through a friend here in the Philippines.

“We got engaged last July 2018. Getting married on December 28 (2019). A garden wedding near Tagaytay po. 29 m onths na po kami together so 2 years and 5 months po, he, he, he,” mabilis ding sagot sa amin ng aktres.

Tinanong namin kung businessman dahil nga sa Guam nakatira at paano ang set-up nila kapag ikinasal na. Iiwan ba niya ang showbiz para sumama na sa asawa? Single ba ito at walang anak?

“We don’t know yet po, pero need ko mag-ayos ng papers ko kasi US citizen po siya, pero gusto rin niyang mag-stay sa Pilipinas. So, baka balik-balik po.

“He’s a Deputy Marshall sa Supreme Court po sa Guam and may business on the side. He has one daughter who is turning 10 years old on September.

“So, same po kami na tig-isang baby girl. Pero hindi na masyadong baby (anak ko) kasi 15 years old na po si Heather this coming October po,” pahayag ni Val.

At dahil may anak, inalam namin kung diborsyado si Francis.

“Never pa po siya ikinasal, he’s a single dad or not really. Kasi share custody naman po sila ng mom pero hindi naman kasal,” saad ng happy bride–to-be.

Balik-alaala lang, 16 years old noon si Valerie Concepcion at ilo-launch siya ng GMA 7 bilang bida sa isang teleserye pero aksidenteng nalaman namin na buntis siya noon kay Heather at isinulat namin iyon dito sa BALITA.

Nagulantang ang buong GMA executives noon at kaagad na sinabi sa manager ng aktres na si Tita Becky, na kaagad kaming tinawagan dahil sobrang upset daw sila dahil nga ilo-launch si Val. May plano na silang nakahanda.

Hindi naman kami aware noon kaya humingi kami ng katakut-takot na sorry kay Tita Becky. Tinawagan din kami ng GMA Artist Center executive para ipaliwanag ang plano nila kay Val, na na-guilty kami pero pinandigan namin ang isinulat namin dahil iyon ang totoo.

In fairness, pagkasilang naman ni Valerie kay Heather Fiona, na 15 years old, na ngayon ay maraming projects ang ibinigay sa kanya ng GMA.

At habang ka-text namin si Val nu’ng Biyernes nang halos hatinggabi na ay sinabi naming, “Happy for you Val, hindi nasayang ang paghihintay mo. Oo nga, 15 na pala si Heather Fiona. Paano ko malilimutan ‘yan, remember ako unang nagsulat na pregnant ka noon? Sixteen years old ka?’

“Ha, ha, ha. Yes po. 16 po ako when I had Heather. And yes, hindi po nasayang ang paghihintay ko. I’m super very happy and thankful that Francis came into my life. He calls Heather ‘anak’ na rin po. And yes, he’ll adopt her. Kaya grabe lang din po talaga ‘yung pag-uumapaw ng saya ng puso ko na dumating na ang ‘the one’ para sa akin,” masayang sabi ng aktres.

Siyempre ang lagi naming tinatanong sa malapit nang makipag-isang dibdib, “Anong nagustuhan mo at nagustuhan din sa ‘yo ng mapapangasawa mo? At suwerte mo, ikaw ang unang pakakasalan.”

“Yes po, ako ang unang papakasalan niya. He never thought he’d get married nga raw po. Pero when he met me, he had to ‘lock me up’ na raw. Nagustuhan ko sa kanya is he’s saktong-sakto at tamang timpla.

“Mabait pero astig, sweet and caring and most importantly, nararamdaman ko na love niya po si Heather and super love niya ako. He’s very trustworthy and he’s a really great father to his kid.

“Nakakatawa nga po na lahat ng relationships ko, kung sino pa ‘yung long distance, ‘yun pa ‘yung pinakamadali ang terms of wala akong pinagseselosan and very secure ako sa relasyon namin,” kuwento sa amin.

Sabi ulit namin, ‘”Nakakatuwa ka Val, sobra! Heaven-sent siya (Francis) sa ‘yo, okay. Hope to meet him someday at pakibati ako sa mom and dad mo.”

“Oo naman, ikaw pa ba? Malakas po kayo sa amin, and long time na nga po, eh. Buti nag-message po kayo. Thanks din po for taking interest in our love story.

“Amen, Heaven sent po talaga, and yes ikukumusta ko kayo kina Mommy and Daddy. Thanks po and goodnight,” sabi sa amin ng future Mrs. Francis Sunga.

Hindi na kami nagtanong ng mga detalye sa kasal tulad ng mga ninong at ninang, sponsors at kung anu-ano pa, dahil kinse minutos bago mag-alas dose na ng gabi. Sa susunod na lang.

-Reggee Bonoan