Ibinuwis ng isang ginang ang sarili niyang buhay upang mailigtas ang dalawa niyang anak sa pagkakaaksidente ng isang bus sa NLEX sa Valenzuela City, nitong Sabado, na ikinasawi ng ginang at ng pitong iba pa.

Kabilang si Mary Grace Alvarez sa walong pasaherong nasawi sa pagtaob ng Buenasher Transport (AGA-8610) sa RM 12+ 800 NLEX southbound sa Barangay Gen. T. De Leon sa Valenzuela.
Kuwento ni Rhedel Lucas, 38, isa sa mga nakaligtas na pasahero, katabi niya sa upuan sa hulihan ng bus si Alvarez at ang mga anak nitong sina John Patrick Gayon, 10; at Justine Gayon, 13 anyos.
“Sabay po kaming sumakay ng bus sa Sta. Maria (Bulacan) patungong Cubao, Quezon City. Sakto naman na gawing likuran ng bus ang aming upuan,” kuwento ni Lucas.
Aniya pa, bahagya siyang nakaidlip sa biyahe hanggang sa nagising siya sa sigawan ng mga pasahero, at nang mga sandaling iyon ay pa-ekis-ekis at napakatulin na ng takbo ng bus.
Ayon kay Lucas, nalingunan niya si Alvarez habang mahigpit na yakap ang ulo ng dalawang anak para maprotektahan ang mga ito sakaling tumama sa mga bakal na railings sa loob ng bus.
“Iyon na ang huli kong nakita, kasi tumaob na ang bus na sinasakyan naming. Nawala na rin sa paningin ko ‘yung mag-iina pagkatapos ng aksidente,” dagdag pa ni Lucas.
Sa imbestigasyon ng Vehicle Traffic Investigation Unit (VTIU), nabatid na tumama sa concrete barriers at steel barriers ang hulihan ng bus nang tumagilid ito, kaya karamihan sa mga nakaupo sa nasabing puwesto ang nasawi.
Nagulat na lang umano si Lucas nang malamang isa ang ginang sa mga nasawi sa aksidente, habang ligtas naman ang dalawang anak nito.
“’Yun kasi ang instinct ng isang magulang sa ganoong sitwasyon, ang mailigtas ang mga anak,” ani Lucas.
Nagpapasalamat naman si Lucas sa Diyos dahil buong-buo siyang umuwi sa kanyang pamilya.
Ayon kay Col. Carlito M. Gaces, nakasuhan na ang driver ng bus na si Victoriano De Los Reyes, 39, ng reckless imprudence resulting to multiple homicide, multiple serious physical injuries, and damage to property.
Kasalukuyan pang naka-confine sa Valenzuela City Medical Center si De Los Reyes, dahil sa tinamong injuries sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
-Orly L. Barcala