HINDI pa ito nagiging problema sa Pilipinas , ngunit nagiging malaking suliranin na ito para sa ilang bansa. Ito ang paglaganap ng robotics sa pagmamanupaktura, sa pagsasaka, sa mga serbisyo, sa transportasyon, sa mga operasyon ng mga warehouse at marami pang iba, kung saan mas nakikitaan ng pakinabang ang mga makina kumpara sa mga taong manggagawa.
Sa isang pag-aaral na inilabas nitong nakaraang linggo ng Oxford Economics, isang British research at consulting firm, lumalabas na naagaw na ng mga robot ang higit milyong trabaho sa mga pabrika, tulad sa car industry. Tumataas ang bahagdan ng paggamit sa mga robot at makina na may espesipikong abilidad na naka-program sa mga ito, sa iba’t ibang mga aktibidad tulad ng pagiging gabay sa mga museo, paghahanda ng pagkain, talakayan sa klase. Mayroon na ring mga self-driving cars at trucks. May mga makina na lumalapit sa posisyon ng kalaban sa halip na mga taong sundalo.
Pinauunlad ang mga robot at intelligent machine kasabay ng pag-angat ng Artificial Intelligence (AI) bilang sangay ng computer science. Kilala ang mga computer na nakatatalo sa mga taong eksperto sa chess at checkers. Malalim na rin itong ginagamit sa pagmimina ng mga datos, sa pag-alam sa mga sakit o medical diagnosis, at pag-alalay sa mga doktor sa paghahanap ng tamang gamot, sa paghahanap ng mga impormasyon tulad sa Google, sa pagkilala ng mga imahen tulad sa paghahanap ng mga police sa mga wanted sa mga paliparan, sa mga pinansiyal na institusyon na namumuhunan sa mga stocks at pamamahala ng mga ari-arian, maging paglikha ng mga sining tulad ng pinta at tula.
Parami na ng parami ang mga robot na nililikha sa paglakas ng Artificial Intelligence. Sa kasalukuyan may nasa 2.25 milyong robot, na karamihan ay nasa mga pabrika, ayon sa ulat ng Oxford Economics. Nasa 20% ng mga nagtatrabahong robot ay nasa China. Tinatayang 1.7 milyong trabaho sa pagmamanupaktura ang naagaw ng mga robot mula noong 2010—nasa 400,000 sa Europa, 260,000 sa Estados Unidos, at 550,000 sa China.
Bahagi ng ulat ng Oxford ang “Robot Vulnerability Index” na nagraranggo ng pinakaapektado at hindi apektadong rehiyon sa pitong nangungunang ekonomiya sa mundo—ang US, Germany, United Kingdom, France, Japan, South Korea at Australia. Lumalabas din sa pag-aaral na ang bawat isang robot na nadaragdag sa isang low-skilled na rehiyon ay nagdudulot ng dobleng pagkawala ng trabaho kumpara sa mga higher-skilled na rehiyon ng mga bansa.
Hindi pa ikinababahala ng Pilipinas ang mga robot at trabahong mawawala tulad ng mga mayayamang bansa. Ang problema ng bansa ay masyado pang basiko—kung paano lilikha ng mas maraming trabaho para sa ating lumalagong populasyon, upang hindi na kailanganin ng mga Pilipino na maghanap ng trabaho sa ibang mga bansa upang masuportahan ang kanilang mga pamilya.
Balang araw, maaari tayong maharap sa katulad na problema ng robotics sa mga bansang higit na nakaaangat ang ekonomiya. Kumpiyansa tayo na maayos natin itong matutugunan kung dumating man ang panahon na iyon, lalo’t malaking bilang ng mga tao ang pinapalitan ng mga ito. Dapat itong magbigay-daan sa ating mga opisyal upang pataasin ang sistema ng edukasyon sa bansa upang mas maraming highly-skilled na propesyunal ang malikha ng bansa na hindi kayang palitan ng mga robot.