SA kabila ng paghingi ng paumanhin sa ginawa niyang pambabatok sa kanilang libero na si Jewelle Bermillo, nanganganib pa ring mapatawan ng kaukulang sanction si Balipure import Danijela Dzakovic.
Naganap ang insidente noong nakaraang Sabado sa laban nila kontra Creamline sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Base sa panuntunan ng FIVB, ang international volleyball federation, ang sinumang manlalaro na magsasagawa ng pisikal na pag atake o kahit pagbabanta habang nasa laro ay may kaukulang kaparusahan.
Nagulat ang lahat sa ginawang pagbatok ng Montenegrin import sa kanilang libero pagkaraan nilang mag-agawan sa pag receive ng isang spike mula kay Jema Galanza na siyang nagbigay ng opening set win para sa Creamline sa iskor na 25-19.
Ngunit, walang naging aksiyon ang first referee sa pangyayari gayong nakasaad sa FIVB rules, dapat ay hindi na pinalaro si Dzakovic matapos ang insidente.
Inaasahan namang hindi palalagpasin ng mga PVL officials ang pangyayari dahil agad din silang nagpulong para sa sanction na ipapataw sa import.
Kapwa natapos nina Dzakovic at Bermillo ang laro kung saan natalo sila ng straight sets sa Cool Smashers.
Agad ding humingi si Dzakovic ng paumanhin kay Bermillo at sinabing nadala lamang siya ng nararamdamang pagkadismaya.
-Marivic Awitan