“NAPAKAHIRAP sabihin kung solo mong pag-aari ang bagay na nasa ilalim ng tubig. Ang isda ay maaaring galing sa China, at ang isda sa Pilipinas ay maaring tumungo sa China kung nais nating maging teknikal at iugnay ito sa constitutionality kung alin ang pag-aari natin,” wika ni Senate President Vicente Sotto sa ginawang panayam sa kanya sa telebisyon noong Huwebes. Iyong eksklusibong uri ng isda, aniya, na makikita sa China ay maaring nanggaling sa Pilipinas. Ganito nakilahok si Sotto sa pinagtatalunang isyu hinggil sa sinabi ni Pangulong Digong na pinahihintulutan niyang mangisda ang mga Tsino sa Recto Bank na bahagi ng West Philippine Sea na nasa loob ng 370-kilometer exclusive economic zone ng bansa sa South China Sea. Bunga ito ng naganap na insidente noong Hunyo 9 nang banggain ng Trawler ng China ang bangkang pangisda ng mga Pilipino habang nakaangkla sa Recto Bank at iniwan ang mga ito na lulutang-lutang sa karagatan sa gitna ng dilim.
Sinabi ng mga kritiko ng Pangulo, sa pangunguna ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, na labag sa Saligang Batas ang buksan sa kahit sino, maliban sa mga Pilipino, para mangisda at gamitin ang yaman ng dagat na nasa loob ng exclusive economic zone ng bansa. Pero, ayon sa Pangulo, may kasunduan sila ng China na bigyan ng daan ang kanyang mangingisda sa karagatan ng bansa bilang pagkakaibigan at kapalit ng pagpayag nito sa mga Pilipino na mangisda sa Panatag Shoal. Kinutya pa nga niya si Justice Carpio at tinawag na “stupid” at “fool.” Pakutya rin na masasabi ang pagsalungat ni Senate Persident Sotto sa tinuran nina Carpio at mga kritiko ng Pangulo na ang yaman ng dagat sa loob ng exclusive economic zone sa West Philippine Sea ay para lang sa Pilipino. Kaya lang, istilong “Eat Bulaga” ang turing ng isang pahayagan sa katwiran niyang mistulang pag-ayon sa Pangulo na payagang mangisda ang China dahil kaibigan ito. Ginawa niyang katawa-tawa ang seryosong bagay na soberenya at ikabubuhay ng mamamayang Pilipinong nasa laylayan ng lipunan ang nakataya. Paano mo nga magagawang ekslusibo sa mga Pilipino ang pangingisda sa bahagi ng karagatan gayong walang paraan para malaman ang nasyonalidad ng mga isda para tukuyin na para lang ang mga ito sa Pilipino?
Hindi naging maganda para kay Vice-President Leni Robredo ang sinabi ni Sotto. “May mangingisda tayo na ang kanilang karapatan ay nilabag. Sa akin, sa puntong ito, dapat tiyakin natin na hindi nila naiisip na sila ay inabandona,” wika niya. Ang naranasan ng ating mangingisda ay kalagim-lagim. Nangingisda sila para mabuhay, pero nalagay ang kanilang buhay sa bingit ng kamatayan dahil pagkatapos na palubugin ang kanilang bangka, inabandona sila na kakawag-kawag sa karagatan.
Ang kanilang mga lider na dapat magtanggol sa kanila, bukod sa minaliit na ang kanilang naranasan, ginawa pang biro ang mandato ng estado na sila lang ang dapat mangisda at gumamit sa yamang dagat nito
-Ric Valmonte