Nahaharap ngayon sa matinding problema ang Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sa pagpupumilit ng sinibak na alkalde ng Aklan na umupo sa puwesto.

BAWAL

Ayon kay Western Visayas regional director Ariel Iglesia, hindi nila kinikilala si Ciceron “Dodong” Cawaling bilang alkalde ng Malay sa nasabing lalawigan dahil tinanggal na umano ito ng Office of the Ombudsman kanyang sa posisyon dahil sa palpak na pangangasiwa sa Boracay Island, kamakailan.

“Cawaling is legally not the mayor,” ayon kay Iglesia at sinabing disqualified na si Cawaling na humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan kasunod na rin ng pagkaka-dismiss sa kanya nitong nakaraang Abril.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Inilabas ni Iglesia ang pahayag nang iupo mismo ni Cawaling ang sarili bilang alkalde ng Malay nang magtungo ito sa munisipyo, nitong Linggo ng hapon.

Matatandaang napatunayan ng Ombudsman na nagkasala si Cawaling sa reklamong grave misconduct, gross neglect of duty, conduct unbecoming of a public official, at conduct prejudicial to best interest of service dahil sa matinding problema sa kapaligiran ng Boracay.

Pinanindigan naman ni Cawaling na halal siya ng taumbayan at ipinroklama na umano ito ng Commisson on Elections (Comelec) matapos niyang talunin ang dating alkalde na si John Parcon Yap.

Nang magtungo si Cawaling sa munisipyo, ipinakita nito sa publiko ang kanyang certificate of canvass at katibayan ng proklamasyon nito.

Gayunman, ayon kay Iglesia, kinikilala ngayon ng DILG ang nahalal na vice mayor na si Frolibar Bautista bilang acting mayor.

Idinagdag pa ng DILG, nasabihan na nila si Bautista na simulan na ang pagtatrabaho bilang pansamantalang alkalde sa lugar.

Sinabi naman ni Municipal Interior and Local Government ng Malay na hindi nila kikilalanin ang mga papeles na pipirmahan ni Cawaling bilang isang alkalde.

-Jun N. Aguirre at Tara Yap