DISYEMBRE 2015 nang inaprubahan ng United Nations Convention on Climate Change sa Paris, France ang makasaysayang kasunduan ng mga bansa sa mundo na layuning paigtingin ang pandaigdigang pagsisikap laban sa climate change.
Abril noong nakaraang taon nang 174 na bansa, kabilang ang Pilipinas, ang lumagda sa kasunduan sa UN headquarters sa New York City, at bawat isang bansa ay nagsumite ng “nationally determined contribution” sa pangkalahatang layunin na mapababa ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura dahil sa carbon emissions sa 1.5 degrees Celsius ng pre-industrial levels.
Kapuri-puri ang ipinakitang pandaigdigang pagkakaisa, pero may isang malaking hadlang—ang Amerika, na pinamumunuan ngayon ni President Donald Trump, ay umayaw sa tratado. Ang Amerika ang pinakamalaking bansang industriyal sa kasalukuyan, at ang numero unong pinagmumulan ng mga industrial emissions na nagdudulot ng tuluy-tuloy na pagtaas ng pandaigdigang temperatura, na nagreresulta naman sa climate change.
Ang California ang unang estado ng Amerika na kumontra sa polisiya ni Trump sa climate change. Nilagdaan ni Gov. Jerry Biown ang executive order na layunin na gawing carbon-neutral ang California pagsapit ng 2045.
Noong nakaraang linggo, bumoto ang New York Assembly ng 104-35 upang maging ikalawang estado ng Amerika na maghangad ng ekonomiyang carbon-neutral. “This means that despite the mood of anti-science in our nation, the disbelief in Washington to climate change, states can lead the way,” sabi ng assembly member na si Steve Englebright, ang may akda ng panukala. Aniya, umaasa siyang magsisilbing halimbawa ang New York sa iba pang mga estado para magkaroon at magpatupad ng kaparehong batas.
Sa Oregon State Assembly, bumoto ang mga mambabatas upang limitahan ang climate change emissions, subalit kailangan pa ring matalakay ang panukala sa State Senate. Bibigyang credits ng Oregon Bill ang mga magbabawas ng kanilang emissions na nakapagpapainit sa planeta na maaaring ibenta sa ibang lalampas sa limitasyong itinakda ng gobyerno.
Sa kani-kanilang paraan, kumikilos ang mga bansa sa mundo upang mabawasan ang kanilang carbon emissions. Nagdedebelop ang Pilipinas ng pagkukunan ng renewable energy, gaya ng hangin, sikat ng araw, ilog, geothermal, at biomass. Nagpupursige naman ang China sa pagkakaroon ng mga sasakyang de-kuryente upang mabawasan ang emissions ng mga sasakyang pinagagana ng gasolina, diesel, at iba pang fossil fuels.
Subalit nananatiling ang Amerika ang pinakamalaking pinagmumulan ng industrial carbon emissions. Tatlong estado—ang California, New York, at Oregon—ang sumuway na sa pambansang polisiya laban sa kasunduan sa climate change at carbon emissions na pinirmahan sa Paris. Umaasa tayong isusulong ng iba pang mga estado ang kampanya na magkukumbinse kay President Trump upang pangunahan ng Amerika ang mundo sa pagpupursige para sa isang mas malinis na planeta.