“ALAM mo, Justice Carpio, hangal (stupid) ka. Kaya, hanggang iyan lang ang iyong narating. Taga Davao ito. Kahit noon pa ay hindi na ako na-impress sa luko-lukong ito. Wala siyang rhyme and reason, gaya ng mga senador sa oposisyon,” wika ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa anibersaryo ng Presidential Security Group sa Malacanang. Bahagi ito ng kanyang reaksyon sa pahayag ni Supreme Court Senior Justice Antonio Carpio na labag sa Saligang Batas ang pahintulutan ng gobyerno ang mangingisda sa exclusive economic zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Kasi, nasabi ni Pangulong Digong na sa nangyaring pagbunggo ng Chinese trawler sa bangkang pangisda ng mga Pilipino at pag-abandona sa kanila sa karagatan, pwedeng maayos ito sa pakikipagsundo sa China. Hahayaan na lang, aniya, na makapangisda ang mga Tsino sa lugar ng pinangyarihan ng insidente na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ayon sa Pangulo, may kasunduan siya sa gobyerno ng China na hahayaan ang mangingisda nito sa karagatan ng Pilipinas, bilang kapalit ng pagpapahintulot naman nito sa mga Pilipino na mangisda sa Panatag Shoal. Ang Panatag Shoal ay sinakop ng China noong 2012, kaya nagsampa ng kaso ang Pilipinas sa Hague Arbitral tribunal laban sa China sa kanyang pag-aangkin sa halos lahat ng bahagi ng South China Sea. Noong Hulyo, 2016, sa desisyong kanyang inilabas, sinabi ng tribunal na walang batayan sa ilalim ng international law ang pag-aangkin ng China at nilabag nito ang sovereign right ng Pilipinas ang mangisda sa karagatan ng South China Sea. Kay Pangulong Digong mismo nalaman ng sambayanan na ikinompormiso na niya ang soberanya ng bansa sa Panatag Shoal. May kapangyarihan ba siyang gawin ito mag-isa?
Pero, nais kong bigyan pansin din dito sa pakikipagpalitan niya ng katwiran hinggil sa isyu, ay iyong paggamit niya ng malaswang salita. Hindi ito magandang ehemplo. Tignan ninyo, ginaya siya ni Foreign Secretary Locsin. Wika ni Locsin kay Vice-President Leni Robredo: “Hey boba, kaya nga iniutos ko na kanselahin ang lahat ng courtesy diplomatic passports dahil ayaw kong tukuyin si Del Rosario. Pwede bang maging mabait kayo sa kanya at bigyan ninyo siya ng utak. Ginagawa ko ang tama at nililimitahan ko ang pag-isyu ng mga passports para lang sa working diplomats para hindi sila maliitin sa ibang bansa at hindi iiisyu sa mga retirado at kaibigan.” Inilabas lamang ni VP Leni ang kanyang saloobin sa ginawa ni Sec. Locsin na pagkakansela sa mga courtesy passports tulad ng kay dating Foreign Secretary Albert del Rosario na hindi iginalang ng Hongkong. Nasabi kasi ni Robredo na sa halip na ipagtanggol ang mamamayan, ang reaksyon ng bansa ay sisihin ito at kanselahin ang kanyang diplomatic passport.
Ang demokrasya ay lumulusog sa pagpapalitan ng mga magkakasalungat na opinyon sa matinong paggamit ng kalayaan sa pamamahayag. Walang puwang dito ang pambabastos at pagmumura.
-Ric Valmonte