NGAYON ay ika-29 ng maulan at kung minsa’y mainit at maalinsangan na buwan ng Hunyo. At sa liturgical calendar ng Simbahang Katoliko, mahalaga ang araw na ito sapagkat paggunita at pagdiriwang ng kapistahan nina San Pedro at San Pablo (Saint Peter at Saint Paul). Masayang ipinagdiriwang din ang araw na ito ng mga bayan at lungsod sa iniibig natin Pilipinas na ang kanilang mga patron saint ay sina San Pedro at San Pablo na parehong mga Apostol ni Kristo.Tampok sa pagdiriwang ang mga Misa sa mga simbahan na susundan ng prusisyon ng mga imahen nina San Pedro at San Pablo. Kabilang sa mga nagdiriwang ng kapistahan na ang mga patron saint ay sina San Pedro at San Pablo ay sa Siniloan at Lungsod ng San Pablo sa lalawigan ng Laguna. Marami tayong mga kababayan na ang pangalan ay itinulad sa pangalan ng dalawang santo ng Simbahang Katoliko. Karaniwan sa kanilang palayaw ay Ambo, Indo, Peter, Pete at Paul.
Sa kasaysayan at ayon sa talambuhay ng mga Santo, sina San Pedro at San Pablo ay parehong mga Apostol ni Kristo. Si San Pedro ay isang mangingisda. May asawa at kapatid siya ni San Andres.Ang dati niyang pangalan ay Simon at mula siya sa Betsaida, Galilea. Sa unang pagkakatagpo sa kanya ni Kristo, sinabi sa kanya na papalitan ang kanyang pangalan. Ginawang Cephas o Pedro na ang kahulugan ay bato. Sa kabila ng kahinaan ni San Pedro, ginawa siyang saligang-bato ng Iglesyang itinatag ni Kristo. Ganito ang sinabi kay San Pedro ni Jesus: “Simbi ko sa iyo na ikaw Pedro at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang Aking Iglesya. At ang pintuan ng impiyerno ayhkndi makapananaig. At ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit ( Mateo 16:16).
Sinasabing kay San Pedro ipinagkaloob ni Kristo ang kapangyarihan at tungkuling turuan, pamahalaan at pakabanalan ang lahat ng mga tagasunod ni Kristo bilang kataas-taaasang puno at kahalili ni Kristo sa ibabaw ng lupa.Bilang Prinsipe ng mga Apostol, si San Pedro ay nangaral sa Herusalem matapos manaog ang Espiritu Santo. Sa pangangaral ni San Pedro, may 3,000 katao ang naging kristiyano noon.
Nang dakpin at ipakulong si San Pedro ni Herodes Agripa noong taong 43, siya’y iniligtas ng isang anghel sa biluangguan.Sa unang kapulungan sa Herusalem noongtaong 50, si San Pedro ang namuno. At nang maitatag ang obispado sa Antiokiya, nagtungo si San Pedro sa Roma. At mula noon, namuno siya bilang isang Papa. Pinamunuan ang Iglesya Katolika sa loob ng 25 taon na ang naging wakas ay pagkamatay niya sa krus. Si San Pedro ay ipinako sa krus nang patiwarik. Naganap ang kamatayan ni San Pedro sa panahon ni Emperador Neron. Naganap ang kamatayan ni San Pedro noong taong 67.
Sa bahagi ng talambuhay ni San Pablo, sinasabing siya’y isang dating mabagsik na tagausig ng mga kristiyano. Matapos ang isang himala sa Damasko, (nabulag si Saulo, dating pangalan ni San Pablo). Nahulog siya sa kabayo at nabulag. Isang tinig ang kanyang narinig at sinabing “Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?” Nagbalik- loob si San Pablo. Bininyagan siya ni Ananias. Naging apostol si San Pablo ng mga henti o di-Hudyo. May 30 taon, ang inilaan ni San Pablo sa walang hanggan niyang pangangaral sa mga bayan-bayan. Naging bahagi ng kanyang buhay ang paglalakbay-misyonero
Ngayong ika-29 ng Hunyo, ang isa pang kahalagahan ng araw na ito na kapistahan nina San Pedro at San Pablo, magaganap naman sa mga lalawigan, lungsod at bayan sa ating bansa, ang panunumpa sa tungkulin ng mga nagwaging kandidato noong nakalipas na eleksiyon noong Mayo 2019. Ang iba naman ay gagawin ang oath taking ceremony o panunumpa sa ika-30 ng Hunyo.
At kinabukasan, unang araw ng Hulyo, 2019 ay magsisimula na sila sa kanilang panunungkulan bilang governor, vice governor, provincial board member, mayor, vice mayor, miyembro ng Sanggunian Bayan at Sanggunian Panglungsod.
Matapos ang panunumpa ng mga nanalong kandidato sa idinaos na eleksiyon noong Mayo 13, 2019, buo ang pag-asa ng mga mamamayan na nagluklok sa kanila sa kapangyarihan na matutupad ang kanilang mga pangako sa bayan. Hindi mapapako at bulaklak lamang ng dila at pambobola. Magiging isang malaking kasinungalingan. Hindi malilimutan ang ating mga kababayan. Asahan na ng mga sinungaling na sirkero at payaso sa politika na sa kangkungan na sila pupulutin sa susunod na halalan. Magbabalik-tanaw sa isipan ng ating mga kababayan ang kasiuungalingan at katotohanan na sinabi at ipinangalandakan noong panahon ng kampanya sa halalan
-Clemen Bautista