“HINDI ko iniisip na gagawin ito ng China. Bakit? Dahil magkaibigan tayo. Pareho ang ating pananaw na ito ay hindi hahantong sa madugong komprontasyon,” wika ni Pangulong Duterte nang tanungin siya noong gabi ng Lunes kung hahadlangan niya ang mga mangingisda ng China sa karagatan ng bansa pagkatapos na banggain ng Chinese trawler ang bangkang pangisda ng mga Pilipino, at iniwan ang mga ito sa karagatan noong Hunyo 9.
Kinabukasan, sa news briefing, sinikap ni Presidential Spokesperson na ipaliwanag ang tinuran ng Pangulo.
“Sinabi niya (Pangulo) na hindi papayag ang China dahil, ayon dito, may historical right sila sa lugar,” wika niya. Ang tinukoy ni Panelo ay ang West Philippine Sea, na nasa loob ng 370-kilometer exclusive economic zone sa South China Sea.
“Ikalawa, hahayaan natin ang China dahil magkaibigan tayo. Kaya, magsalubong na lang tayo sa gitna, iyan ang punto ng Pangulo,” dagdag pa ni Panelo.
Pero, aniya, hindi nangangahulugan na binibigyan ng Manila ang Beijing ng karapatang mangisda sa karagatan ng Pilipinas. Tawagin na lang daw na pagpapaubaya dahil magkaibigan, magbigayan na lang.
Lubusan nang nabalewala ang imbestigasyon o joint investigation na lalahukan ng neutral third party na iminungkahi ng Pangulo. Ito kasi ang naging reaksiyon ng Pangulo sampung araw pagkatapos mangyari ang insidente, kahit ang naunang deklarasyon ng mga Piipinong mangingisda ay sadya silang binunggo ng Chinese trawler. Pagkatapos ding akusahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang Chinese trawler ng “hit and run.”
Ngayon, kahit wala pang nagaganap na imbestigasyon, kahit na lumalabas na naagrabyado ang mga kababayan niyang mangingisda, nakahanda na siyang makipagsundo sa China. Pahihintulutan na niyang mangisda ang China sa teritoryong napagpasyahan na ng Arbitral Tribunal na saklaw ng kapangyarihan ng Pilipinas.
Labag ito sa Saligang Batas at pagsuko ng ating soberanya sa gitna ng garapalang panghihimasok ng China sa ating teritoryo, ayon kay Sen. Risa Hontiveros. Ang pakikipagkaibigan sa China, aniya, ay hindi dahilan upang buksan sa mga mangingisda nito ang likas-yaman ng West Philippine Sea.
Ang problema, takot si Pangulong Digong na igiit ang karapatan at kapangyarihan ng bansa.
“Hindi ako takot sa China. Takot ako na mapapatay lang tayong lahat,” sabi niya.
Ang hindi ko maintindihan ay bakit laging ikinakatwiran ng Pangulo na didigmain ng China ang bansa sa tuwing may maghahayag sa kanya na ipagtanggol ang ating karapatan sa West Philippine Sea. Eh, siya mismo ang nangakong gagawin niya ito nang nangangampanya siya sa pagkapangulo noong 2016.
Ganoon pa man, dapat isaalang-alang ng Pangulo ang kapakanan ng mga Pilipino, na ang ikinabubuhay lamang nila ay mangisda. At ang West Philippine Sea ang nagbibigay sa kanila ng masaganang ani. Kaya, kahit muntik na silang masawi, sinabi ng mga mangingisda na ipagpapatuloy nila ang alam nilang hanap buhay.
Kung makikipag-ayos din lang ang Pangulo, dapat na siguruhin ang kaligtasan ng mga mangingisda, at maiwasang maulit ang nakaraang insidente.
-Ric Valmonte