BILANG tugon sa mga ‘financial scams’ o pananalaping panloloko at panggugulang, na malimit at paulit-ulit na nauulat sa bansa, ‘tila maganda ang panukalang dapat magkaroon ng ‘online registry portal’ ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng lahat na rehistradong ‘investment securities.’ Magsisilbi itong “unang hanay ng depensa” laban sa naturang mga panloloko.
Paksa ng House Bill 9216 ni Albay Rep. Joey Salceda, na nakahain na sa Kongreso ang naturang ideya. Pinamagatang “Scam Finder Act”, layunin nitong atasan ang SEC na itatag at pangasiwaan ang online portal para “protektahan ang mga mamamayan laban sa mga ‘investment scams’; gabayan sila sa kanilang mga desisyon kaugnay sa pamumuhuan; at turuan silang mag-impok at ilagay ang kanilang salapi sa mga tama at makabuluhang pamumuhunan, para ligtas sila sa mga mapagsamantala.”
Pinuna ni Salceda na paulit-uli na nauulat ang mga financial scams at marami ang naloloko ng mga mapanlinlang sa kabila ng malawakang pagbabalita tungkol sa mga ito, at babala sa publiko.
Ang pangunahing dahilan nito ay ang kakulangan sa kaalaman at impormasyon kaugnay ng pananalapi at wastong pamumuhunan ng mga biktima na madaling napapaniwala sa pangakong biglaang kita at malaking pakinabang.
Totoo at sadyang nakakalungkot na marami pa ring mga Pinoy ang bigla-bigla at nagmamadaling sumusuong sa mga mapanlinlang na mga scams. Tumatangis na lamang sila matapos mawala ang perang matagal nilang pinaghirapan.
Sa ilalim ng HB 9216, inaatasan ang SEC na magtatag at pangasiwaan ang isang “online Philippine Registry of SEC-Registered Securities”, gaya ng kautangang mga dokumento kasama ang mga “promissory notes, equities, collective investment schemes including mutual funds”, at iba pa na rehistrado at maaaring ibenta sa publiko.
Pinapayuhan din ni Salceda ang mga mamamayan na suriing mabuti at tiyakin ang katotohanan ng naturang mga dokumento sa SEC portal upang huwag mabiktima ng mga mapagsamantala. Sa panig naman ng SEC, titiyakin nito ang integridad ng kanilang data base.
Bilang lead agency, ang SEC ang babalangkas ng mga panuntunan ng sistema at mangangasiwa sa pagpapatupad sa naturang programa. Tutulungan naman ito ng suportang teknikal ng Department of Information and Communications at National Privacy Commission.
Ayon kay Salceda, kilalang ekonomista, maaaring hindi 100% nitong mapoprotektahan ang mga Pinoy ngunit “sa isang pindot lang”, tiyak na malalaman ng mga nais mamuhunan kung rehistrado nga ba at legal ang pagkakatiwalaan nila ng kanilang pera.
Panahon na para harangan at wakasan ang mga panlilinlang, pandaraya at pagsasamantala sa mga nagsusumikap nating kababayan.
-Johnny Dayang