MARUBDOB ang paniniwala ng mga batang yagit sa Maynila na hindi ipagkakait sa kanila ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pangarap nila na magkaroon ng bahay na masisilungan at matutulugan sa gabi, matapos ang maghapon na paglilimayon upang mangalakal sa mga pangunahing lansangan.
Nang tanungin ko kung bakit umaasa sila na magkakatotoo ang kanilang pinapangarap na “Bahay Silungan” halos iisa ang naging sagot nila: “Dati si Mayor Isko na yagit din na katulad namin, kaya siguradong alam niya kung ano ang problema ng mga nangangalakal sa kalsada. Siguradong ‘di niya kami kalilimutan!”
Muli ko kasing nakakuwentuhan ang mga batang yagit na ito makaraan ang halos limang buwan matapos kong isulat sa ImbestigaDAVE ang kanilang panawagan sa mga opisyal ng Maynila, na tulungan sila sa kanilang pagpupunyagi sa pamamagitan ng pagtatayo ng masisilungan matapos ang buong maghapon nilang pangangalakal.
Naglalakad kasi ako noon sa isang pangunahing kalsada sa Sta. Cruz, Maynila nang masagi ako ng bitbit na sako ng isa sa apat na mga batang kalye, na sa tingin ko ay katatapos lang mangalakal at naghahanap muna ng lugar na matutugpaan upang ipahinga ang mga pagal nilang katawan. Muntik tuloy akong malaglag sa bangketa, ngunit agad namang humingi ng paumanhin ang mga bata.
Sa halip na magalit at pagsabihan ang mga bata ay nakipagkuwentuhan ako sa mga ito. Nalaman ko na buong maghapon silang naglilibot para mangalakal – mamulot ng mga basurang puwede pang ibenta sa mga junk store – at kinabukasan ng umaga nila idinidispatsa para pambili ng kanilang pagkain sa buong maghapon.
Ang panawagan nila noon ay ganito: “Sana gumawa na lang sila ng malaking bahay na parang bodega na pupuntahan namin tuwing gabi para doon maligo, matulog at magpahinga, para ‘di kami makapangit sa kalsada.
“‘Di naman kami doon titira, sisilungan lamang namin ito sa gabi para makapagpahinga. Sa buong maghapon naman kasi nasa kalye kami at naghahanap-buhay, bahala na rin kami sa aming pagkain. Para ‘di naman kami masyadong pabigat sa gobyerno at magkaroon ng direksiyon ang aming buhay.”
Araw-araw ay ganito ang routine nila sa buhay kaya’t sa panahon ng pagkabagot sa kanilang kahirapan, dito nila naiisip na magdroga – hindi shabu, mahal daw kasi ‘yun. ‘Yung abot-kaya lang nila, gaya ng mga rugby at iba pang solvent. Kaya naman nagagawa nila ito ay kapag namumroblema na sila kung saan kakain at matutulog pagdating ng gabi.
Madalas umano silang hinahabol ng mga pulis kasama ang mga taga-DSWD kapag may naglalabasan sa mga media na reklamo na nakapapangit sila sa mga pangunahing lugar sa Maynila.
Katwiran ng mga batang yagit, kaya lang sila mukhang mga pangit sa kalsada ay kulang sila sa tulog, kain at paligo dahil wala silang lugar na mapuntahan para ayusin ang mga sarili bago pumalaot sa pangangalakal.
Nangangarap pa rin naman ang mga batang ito. Naniniwala silang magabayan lang sila ng mga opisyal ng ating pamahalaan at mabigyan ng tamang tulong na kailangan nila sa araw-araw na pakikibaka sa buhay – ay may aangat din sa grupo nila, na siyang tutulong naman dun sa iba pang katulad nila, na patuloy na nakalubog pa sa balon ng kahirapan.
At ang isa sa mga opisyal na ito na inihalal ng bayan upang manungkulan, na lubos nilang inaasahan na papansin sa kanilang pangunahing pangangailangan – na isang “Bahay Silungan” – ay ang iniidolo nila na dating yagit na kaparis nila, ngunit naging aktor na si Isko Moreno, na ngayon ay ang bagong halal na Alkalde ng Lungsod ng Maynila!
(Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].)
-Dave M. Veridiano, E.E.