LABINGSIYAM na araw na ang nakalipas simula nang lumubog ang bangkang Gem Ver ng mga Pilipinong mangingisda makaraan itong banggain ng isang bangkang Chinese sa Recto Bank sa South China Sea. Sa nakalipas na 19 na araw, sari-saring bersiyon na ng insidente ang naglabasan, kaakibat ang mga alegasyon at kontra bintang.
Sa buong panahong ito, nanatiling kalmado si Pangulong Duterte, kahit pa maraming pagkakaiba sa natukoy ng inisyal na imbestigasyon ng gobyerno sa mga naunang napaulat. Tinanggap ni Pangulong Duterte ang mungkahi ng China na magtulungan sa pagsisiyasat, at hinihintay na lang ngayon kung paano isasagawa ang imbestigasyon. Nagpanukala rin siya na magkaroon ng third party sa pagsisiyasat upang masigurong magiging patas ito, at upang may mamagitan sakaling magkaroon ng anumang pagkakaiba sa kasagsagan ng pag-iimbestiga.
Pagtutuunan ng pagsisiyasat ang banggaan, na ayon sa kapitan ng bangkang Chinese ay aksidente lamang, kasunod ng umano’y pagtakas ng dayuhang bangka nang hindi man lang tinulungan ang mga mangingisdang Pinoy na nagsisilangoy sa dagat. Sinabi ng kapitang Chinese na nilisan ng kanyang grupo ang lugar dahil nangamba sila para sa sariling kaligtasan makaraang kuyugin sila ng pito hanggang walong bangkang Pilipino na naroon din umano sa pinangyarihan ng insidente. Sa unang panayam sa kanya, sinabi ng Pilipinong kapitan ng bangka na naniniwala siyang “sinadya” silang banggain, bagamat sinabi naman ng kusinero ng bangka na hindi nito tiyak kung sinadya nga ang pagkakabangga sa kanila. Dapat na maliwanagan ng pagtutulungang imbestigasyon ang isyung ito.
Ang isang ipinunto ng ilang kritiko sa nakalipas na mga araw ay ang sinasabing paglabag sa karapatan ng Pilipinas, dahil nangyari ang insidente sa Recto Bank, nasa kanluran lang ng Palawan, at saklaw ng 200-milyang Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa. Gayunman, hindi ito teritoryo ng Pilipinas kundi malayang pangisdaan ng mga Pilipino, Vietnamese, at maging ng mga Chinese.
Ang Panatag o Scarborough Shoal na nasa kanluran ng Zambales ay pareho ring nasasaklawan ng EEZ ng Pilipinas. Sa desisyon noong 2016 ng Arbitral Court sa The Hague, sinabing dapat na manatiling bukas ang Panatag sa mga mangingisda mula sa iba’t ibang bansa na matagal nang namamalakaya sa nasabing bahagi ng dagat. Kaya hindi tamang sabihin na hindi dapat na nasa Recto Bank ang mga mangingisdang Chinese at Vietnamese.
Kaya naman ang pagtutulungang imbestigasyon ay dapat na tumutok sa banggaan—sinadya man ito o aksidente lang, batay sa paunang paglilimi ni Pangulong Duterte sa nangyari bilang isang simpleng “maritime incident”—at kung namali lang ng intindi ang mga tripulanteng Chinese sa pakay ng sinasabi nilang iba pang mga bangka sa lugar. Ang isasagawang joint probe ay dapat na magbigay-linaw sa usaping ito.
Hindi maiiwasang mangyari ito. Nariyan lagi ang posibilidad na magkaroon ng hindi pagkakasundo sa paninindigan sa kani-kaniyang mga karapatan at pag-aangkin ng magkakaratig-bansa, subalit dapat na mapag-usapan ito nang maayos, alang-alang sa kapayapaan at mabubuting ugnayan bilang mga bansa. Masugid nating katuwang sa kalakalan, turismo, at programang pang-imprastruktura ang China. Maaaring mayroon tayong mga hindi pinagkakasunduan, pero dapat na asahang maisasaayos natin ang mga ito, habang naghahanda tayo sa magkatuwang na imbestigasyon na pinahintulutan ni Pangulong Duterte.