TUWING nadadantayan ang usapin tungkol sa insurhensiya, ang putok-bibig sa kasalukuyang kamulatan ng sambayanan, kasama ng ilang opisyales ng pamahalaan, hindi maitatanggi na ito ay natatanging suliranin ng Sandatahan Lakas ng Pilipinas.
Sa kanilang pakiwari, ang armadong pag-aalsa ay pananagutan ng AFP at responsibilidad ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa. Maituturing na napakapayat ng nasabing pang-unawa. Ito marahil ang dahilan kung bakit umabot na sa 50 taon ang kaguluhan.
Nakakaligtaan ng mga tagapag-isip at tagapagpatupad sa ating gobyerno, na ang nasabing labanan bunsod ng komunistang ideolohiya, na siyang utak sa walang patid na madugong rebolusyon. Bale ba ang tinututukan ng ilang pangulong nagdaan (liban kay Ramon Magsaysay Sr., Ferdinand Marcos, at Joseph Erap Estrada) ang pagwakas ng gera, habang nakakaligtaan sagupain ang mismong ideolohiya nila, mga party-lists, at propaganda ng mga frente nila, halimbawa manggagawa, magsasaka, kabataan atbp. ng komunismo.
Maraming paraan at solusyon ang pwedeng ipatupad upang ganap na mawakasan ang balakid sa ating ganap na pag-unlad bilang isang bansa. Ilang beses ko ng iminungkahi na pairalin ang mismong panukala ni Davao Mayor Sara Duterte.
Ang putulin ang usapang pangkapayapaan sa pambansang antas, at ibaba ito sa lokal ng kampanya. Batid ni Mayor Sara na walang kahihinatnan ang magpagoyo sa estilo ng mga “kaliwa,” lalo at siguradong ipagpapatuloy nila ang nakagawian na nilang, panununog sa pribadong negosyo, pangongotong ng revolutionary tax, pananambang sa pulis at kasundaluhan, kalakip ang mga pagpapasabog. Liban pa ito sa mga protestang panlansangan, upang guluhin ang kapayapaan ng ating lipunan.
Noon pa dapat ginamit ang DILG kasama ang halos 50,000 barangay sa Pilipinas upang harapin ang komunismo sa pondahan ng kaisipan at usaping panlipunan. Magtalaga ng mga anti-communist sa DILG upang simulan ang kampanya para sa puso at diwa ng mamamayang Pilipino.
Mahalagang ikintal sa madla, na ang sistema ng komunismo, walang kinabukasan. Batayan nito, ang kasaysayan sa ibang mga bansa.
-Erik Espina