SA height pa lang kung beauty pageant ang sinalihan, tiyak na hindi na agad papasa si Shayne Sava ng Binangonan, Rizal, ang pinakabata at pinakamaliit sa Final 14 na napili ng GMA Network para sa seventh season ng Starstruck.

Pero artista search ang Starstruck, ang naka-discover kina Jennylyn Mercado, Megan Young, Cristine Reyes, Kris Bernal, Yasmien Kurdi, Sarah Lahbati, Ryza Cenon, Paulo Avelino, Arci Muñoz, at ng napakaraming iba pa. Sa entertainment industry, local man o international, may pag-asang sumikat ang sinumang may angking galing sa pagkanta at pag-arte gaano man kaliit o katangkad. Kung susuriin nga lang nang husto, petite beauty ang nagiging paborito ng publiko o superstars sa Philippine showbiz, at katunayan na agad sina Nora Aunor at Vilma Santos.

Hindi gaanong pansinin ang mga bulilit nang iharap ng GMA-7 sa entertainment media last Tuesday night ang Final 14. Gamit ang conventional wisdom, mas agaw-pansin ang beauty queen materials sa Final 7 Female Hopefuls na binubuo nina Pamela Prinster, Angelic Guzman, Dani Porter, Ella Cristofani, Lexi Gonzales, Shayne, at Rere Madrid.

Tall, dark and handsome din naman ang pansinin sa Final 7 Male Hopefuls na sina Abdul Raman, Karl Aquino, Kim de Leon, Gelo Alagban, Jeremy Sabido, Jerick Dolormente, at Allen Ansay.

Pelikula

Panawagan ni Aicelle Santos, unahin ang 'Isang Himala' sa MMFF

Pero kung nasa kapalaran mo ang pagsikat o pagiging role model ng iyong mga kahenerasyon, tulad din naman ng nagiging pinakamataas na pinuno ng mga bansa, gagawa at gagawa ng paraan ang Diyos para mapansin ka at matupad ang nakaguhit sa iyong palad.

Sa question and answer portion ng press launch, naagaw ni Shayne ang atensiyon ng reporters. Binanggit kasi ni Katotong Gorgy Rula na habang papasok siya sa annex building ng GMA ay nilapitan siya ng Lola Cora ni Shayne at naghabilin ito na sana’y alagaan naman ang kanyang apo. Nagtanung-tanong si Katotong Gorgy sa staff and crew ng Starstruck pagdating sa venue tungkol kay Shayne, at nalamang ganoon na lamang ang panalangin ng maglola na makapasok na agad sa Final 14 si Shayne (isa siya sa mga pinakahuling napili) dahil wala na silang nahihiraman ng pamasahe papunta sa GMA.

Natural ang honesty ni Shayne. Tama ang una kong impresyon sa final audition na may lalim ang beauty niya. Sa tagal ko na sa pagkober sa showbiz, unang tingin pa lang, alam ko na ang gandang walang laman.

Puno ang utak at puso ni Shayne.

“Gusto ko pong maging doctor,” sagot niya nang tanungin ko kung ano ang goal niya sa buhay sa aming one-on-one interview. “’Pag tinatanong po ako kung kaya ko bang pagsabayin ang pag-aartista at pag-aaral po, opo, kaya ko po. Gagawin ko po ang lahat para matupad po ang mga pangarap ko.”

Hiwalay ang kanyang mga magulang na may kanya-kanya nang pamilya. Si Shayne ang panganay sa magkakapatid, tatlo sila sa poder ng kanyang ina at siyam naman ang kapatid niya sa kabilang pamilya.

“Kaya po hindi ko pinipilit si Daddy na suportahan ako kasi naiintindihan ko naman po ang sitwasyon niya.”

May maliit siyang kapatid sa kanyang ina, na anak nito sa kanyang stepdad.

“Kaya nahihiya rin po ako sa stepdad ko na humingi po kasi mahal po ang panggatas po, eh. Tumigil din muna po kasi si Mommy sa work niya sa call center kaya po kapos po talaga kami ngayon sa pera po. Marami naman pong kapitbahay na nagpapahiram kasi supportive po sila sa akin. Babayaran na lang po kung kumikita na po ako.”

Grade 12 sa Cainta Catholic College si Shayne at tinanong ko kung honor student ba siya.

“Opo, top one po ako sa section namin,” masaya at may himig ng pagmamalaking sagot.

Sa susunod na school year, Psychology ang balak niyang kuning premed course.

“Hindi po ako sumusuko kasi po pangarap ko talaga pong maging doctor, gusto ko pong maging successful doctor. Pero kahit po maging doctor na ako, mag-aartista pa rin po ako kasi alam ko pong may maisi-share din po akong talent. Hindi pa po ako masyadong marunong umarte kasi ‘di ko pa po nakakapag-workshop pero iibigay ko po talaga ang best ko para matuto po.”

Sa haba ng interview ko kay Shayne, never niyang inireklamo ang kahirapan. Confident siyang malalampasan niya ang anumang hadlang para matupad ang mga pangarap niya.

Manalo man o matalo sa Starstruck, walang duda na malayung-malayo pa ang mararating ni Shayne sa buhay.

-DINDO M. BALARES